Maraming benepisyo ang pag-eehersisyo. Kapag laging nag-eehersisyo, gaganda ang lagay ng ating puso, baga, utak, bituka, buto, masel at buong katawan.
Naglabas ng guidelines sa ehersisyo ang ilang grupo ng eksperto sa kalusugan, kabilang na ang Department of Health, World Health Organization, at UP-College of Human Kinetics.
Ayon sa payo mula sa Philippine National Guidelines on Physical Activity, heto ang mga dapat sundin para maging ligtas habang nag-eehersisyo:
1. Una sa lahat, bago mag-umpisa ng matinding pag-eehersisyo, kailangan muna kumunsulta sa isang doktor para malaman ang lagay ng iyong kalusugan. Sa mga senior citizens at sa mga may sakit, itanong muna sa iyong doktor kung anong klaseng ehersisyo ang babagay sa iyo.
2. Mag-umpisa ng dahan-dahan sa pag-eehersisyo. Halimbawa, maglakad muna ng 15 hanggang 30 minutos at unti-unting itaas ang antas nito. Kapag ika’y hiningal, magpahinga na muna.
3. Ang tamang pag-eehersisyo ay ginagawa ng 3 o 5 beses sa isang linggo lamang. Bigyan din ng sapat na pahinga ang katawan para maghilom at lumakas ito.
4. Sa iyong pag-eehersisyo, kapag ika’y nahilo, nasuka, nahapo o sumakit ang dibdib, itigil na ang ehersisyo at magpahinga. Magpatingin sa doktor kung kinakailangan.
5. Malalaman na sobra ang pag-eehersisyo kung masakit na ang kalamnan at kasu-kasuan. Kapag matindi rin ang iyong hingal ay dapat nang tumigil.
6. Uminom ng sapat na tubig bago at habang nag-eehersisyo. Uminom ng isang basong tubig bawat 30 minutos ng pag-eehersisyo. Ganito karaming tubig ang nawawala sa katawan kapag pinagpapawisan.
7. Magsuot ng tamang kasuotan habang nag-eehersisyo. Magsuot ng jacket kung maginaw, o mag-shorts naman kung mainit. Siguraduhing malambot at matibay ang sapatos, tulad ng rubber shoes o walking shoes.
8. Pumili ng ligtas na lugar habang nag-eehersisyo. Mag-ingat na hindi madapa o maaksidente habang nagpapapawis.
9. Pagkatapos mag-ehersisyo, hayaang makapahinga ang iyong katawan. Magbihis ng damit at uminom ng tubig. May tulong din ang pagkain ng saging at prutas na may taglay ng potassium na kailangan ng katawan.