Pito ang namatay at 24 ang malubhang nasugatan sa nasunog na MV Mercraft 2 sa karagatan ng Real, Quezon noong Lunes. Ayon sa mga unang report, nagsimula umano ang sunog sa engine room. Ayon sa isang pasahero, nakarinig sila nang pagsabog at nagliyab na ang lantsa. Nagtalunan ang mga pasahero sa dagat at kumapit sa mga lumulutang na bagay. Nagpapatunay lamang na wala silang suot na life vests nang tumalon sila.
Ang Pilipinas ay hindi na bago sa mga trahedya at aksidente sa dagat. Hawak pa rin natin ang pinakamasamang trahedya sa dagat sa panahon ng kapayapaan. Noong Disyembre 20, 1987, nagbanggaan ang MV Doña Paz at MT Vector sa Tablas Strait. Patungong Maynila mula Tacloban ang Doña Paz at patungo namang Masbate mula Bataan ang MT Vector.
Sumiklab ang kargang krudo ng MT Vector at kumalat sa Doña Paz. Nasunog at lumubog ang dalawang barko. Umabot sa 4,386 pasahero ang namatay sa MV Doña Paz at 24 lamang ang nakaligtas.
Ang pangalawang pinakamasamang trahedya ay nangyari sa Tsina, noong 1948. Pansinin ang mga taon kung kelan naganap ang mga trahedya. Siguro naman mas moderno na ang kagamitang barko noong 1987 pero nagbanggaan pa rin.
At kabalintunaan nga na isang taon lamang matapos ang trahedya sa Doña Paz, lumubog ang MV Doña Marilyn mula sa parehong kumpanya matapos itong maglayag mula Manila patungong Tacloban sa kasagsagan ng bagyo. Nasa 389 ang namatay. Nagdala ito ng pagpuna sa Philippine Coast Guard (PCG), kung saan may mga alegasyon ng katiwalian at kawalan ng kakayahan.
Bakit papayagan ng PCG ang libu-libong magsisiksikan sa isang sasakyang-dagat gaya ng nangyari sa Doña Paz? At bakit pinapayagang maglayag ang barko habang may bagyo tulad ng nangyari sa Marilyn?
Inaayos ng PCG ang kanilang imahe. Mas mahigpit na sila ngayon sa bilang ng pasahero at paglayag kapag may bagyo. Ngunit ang pinakahuling aksidenteng ito, kung saan tumalon ang mga pasahero sa dagat na walang life vests ay dapat mapuna ng PCG.
Binigyan ba ng life vests ang bawat pasahero? Ito ba ay kaso ng kapabayaan sa bahagi ng mga tripulante ng barko, o kamangmangan sa kahalagahan ng mga vests ng mga pasahero?
Ito ang mga tanong matapos ang isa na namang trahedya. Dapat magsigawa ng imbistigasyon. Ang ating bansa ay umaasa sa industriyang karagatan para sa ligtas na biyaheng pampasahero at sa komersiyo. Nasa 7,107 isla ang kabuuan ng Pilipinas kaya ang pagkakaroon ng ligtas at maayos na industriya ay napakahalaga.