Sabihin mo kung sino’ng kandidato mo

Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo, at sasabihin ko sa iyo kung sino ka. Sa sinaunang kasabihan­ na ‘yan nahuhusgahan tayo. Bumabarkada tayo sa mga kaugali natin—madasalin o materyoso, maalagain o makasarili, maingat sa katawan o mabisyo. Nakikilala tayo at kinagigiliwan o kinatatakutan kaya nilalayuan ng iba.

Gan’un din sa pagpili ng ihahalal. Sabihin mo sa akin kung sino’ng kandidato mo, at sasabihin ko sa iyo kung sino ka. Ilang pamantayan:

l Ang kandidato mo ba ay malinis o kawatan? Siya ba at ang pamilya ay may tagong yaman? Daan-daang mil­yong piso ba ang assets niya maski wala siyang hanapbuhay? Ang mga tao ba sa paligid niya at mga politikong sumusuporta sa kanya ay matuwid o mandarambong? Nasangkot ba siya sa pork barrel plunder at kickback?

l Masunurin ba siya o palasuway sa batas? Meron ba siyang political dynasty, na labag sa Konstitusyon? Puma­patay ba siya at nananakit, o kumukupkop sa gan’ung pusakal? Nagbabayad ba siya ng buwis o ng multa man lang sa traffic violation, o umiiwas dahil nasa puwesto siya? Disiplinado ba ang mga anak niya?

l Makabayan ba ang ihahalal mo? Nag-aalab ba sa kanyang puso ang simulain nina Rizal, del Pilar, Bonifacio, Jacinto, Mabini? Naninindigan ba siya para sa kara­gatan at likas-yamang Pilipino kontra sa Communist China? O pa-simple ba niyang sinisira ang loob ng taumbayan na tanggapin ang pambubusabos ng dayuhan?

l Matalas ba ang paningin niya sa kinabukasan? Iniisip­ ba niya ang kalusugan at edukasyon ng kabataan? Pang­kalahatan ba ang plano niya para sa ekonomiya at kali­kasan? O nangangako lang siya ng kung ano ang nais marinig sa kanya ng iba’t ibang sektor, miski magkakasalungat at imposibleng isakatuparan?

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments