Ang kasong ito ay tungkol sa isyu ng problema sa batas na dapat gamitin sa isang partikular na kasong nangyari sa ibang bansa na may kinalaman sa isang Pilipino. Ito ang kaso nina Frank at asawa niyang si Vicky.
Si Frank ay piloto sa isang African airlines. Isang beses na bumisita siya kay Vicky sa Pilipinas ay sumakay siya bilang isang libreng pasahero sa isang eroplano sa nasabing African airlines. Pabalik na siya noon sa trabaho.
Sa kasamaang-palad, sumabog ang eroplano habang nasa himpapawid at dumaraan sa baybayin ng Africa. Patay lahat ang pasahero. Naulila ni Frank ang kanyang misis na si Vicky, at mga kapatid na sina Bert, Lily, Rose, Naty at Dina.
May mga kapatid din siya sa ama na sina Benny, Perry at Patsy at mga pamangkin na sina Lina Rolly at Fely na tagapagmana sa namatay na kapatid na si Andy.
Anim na buwan mula nang mamatay ni Frank, gumawa si Vicky ng kasulatan (Affidavit of Self-Adjudication) bilang solong tagapagmana nito.
Kinuha niya para sa sarili ang naiwan na dalawang parselang lupa at dalawang motorsiklo ni Frank.
Nagsampa rin siya ng petisyon sa RTC para maitalaga bilang legal na kinatawan ng estate ni Frank at mahabol ang danyos o kabayaran mula sa African airlines para sa nangyaring pagkamatay ng asawa. Nakuha niya ang appointment at nag-areglo sila sa halagang $430,000.
Kaya sina Dina at Rolly bilang kinatawan ng kanilang mga kapatid naman ang naghabol sa RTC para magsampa ng kaso laban kay Vicky at mahabol ang paghahati ng kayamanan na naiwan ng lalaki pati mapawalang bisa ang Affidavit of Self-Adjudication at tuloy makuha ang kanilang parte pati na rin danyos perwisyo sa estate o naiwan ni Frank na ari-arian.
(Itutuloy)