KUNG may pera ang mga motorista magpa-full tank na kayo bago ang Mayo 3! Bakit? Sagot: malaki ang itataas ng gasolina, diesel at kerosene products pero may bawas sa LPG. Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, niyoyo lang ng nakalipas na dalawang Martes ang presyo ng gasolina kaya bumaba ng bahagya.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, lahat ay tatamaan ng pagtaas ng presyo ng petroleum products mapamayaman o mahirap, matanda o bata, tomboy o bakla, may baktol o wala. Bakit? Dahil ang kasunod nito ay pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pamasahe.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, buti na lang at kampanyahan ngayon, hindi gaano nararamdaman dahil kahit paano may naaambunan mula sa mga kandidato na gustong iboto nila. Ang masakit nito pagkatapos ang eleksyon siguradong marami ang crying like a cow kasi mararamdaman na nila ang pagtaas ng presyo. Abangan.
* * *
Ang BOC-NAIA
Sinunog ng Bureau of Customs-NAIA ang smuggled goods na walang health at safety clearance. Bakit? Bilang bahagi ng pangako nilang pigilan ang pagpasok ng mga iligal na produkto sa Philippines my Philippines. Kinondena ng mga tauhan ni NAIA District Customs Collector Mimel Talusan ang regulated goods na walang health and safety clearances na kinabibilangan ng food items, mga gamot na walang label, vape juice at linhua qingwen na gamot, echetera. Ang regulated goods ay nasamsam sa iba’t ibang okasyon bilang bahagi ng border security at anti-smuggling campaign ng BOC-NAIA.
Ang pagsira ay isinagawa sa isang pasilidad sa Trece Martires, Cavite, sa pamamagitan ng pyrolysis gamit ang mataas na temperatura ng init upang sunugin. Ibinida ni Talusan, bukod sa mga problema sa kalusugan at kaligtasan sa publiko, ang proseso sa pagsira ay bahagi ng pagsisikap ng port na pahusayin ang trade facilitation sa pamamagitan ng pag-decongest ng customs warehouses at pagtiyak ng sapat na customs facility para sa pagdating ng mga kalakal.
Nangako si Talusan na susuportahan si Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero na i-secure ang hangganan ng Philippines my Philippines sa pagpasok ng mga nakapipinsalang kalakal habang pinahuhusay ang mga hakbangin sa pagpapadali sa kalakalan upang mapabuti ang collection.