Huwebes Santo na. Mula pa noong Lunes, sa pasimula ng Mahal na Araw hanggang sa Linggo ng Muling Pagkabuhay ay inaalala natin ang dakilang sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Diyos na nagbubo ng dugo sa Krus ng Kalbaryo sa ikatutubos ng kasalanan ng sanglibutan.
Para sa akin, ginugugol ko ang mga mahalagang sandaling ito sa pagbubulay sa aking buhay. Tinatanong ko ang aking sarili kung ako ba ay nabuhay nang naaayon sa kalooban ng Diyos o sa sarili kong kalooban? Sa bawat pagkakamali, hinihingi ko ang kapatawaran ng Panginoon.
Walang taong hindi nakakalimot. Naaalala lang natin ang Diyos sa ganitong mga panahon pero matapos ito ay balik tayo sa dating gawi. Sa panahong ito, ang paboritong libangan ng maraming tao ay ang walang katapusang patudsadahan at murahan sa pamamagitan ng social media.
Ang masaklap, kahit ngayong Mahal na Araw ay hindi nagtatapos ang mga insultuhan at batuhan ng mapang-insultong salita ng ilang netizens.
Mga dating magkakaibigan ay nagkasira dahil lamang sa pagkakaiba ng napupusuang kandidato lalo na sa pagka-Presidente. Kakaiba ang sitwasyon pampulitika sa bansa ngayon.
Pero imbes na manalangin tayo sa Diyos na bigyan tayo ng isang matinong presidente, ikinandado natin ang ating mga isipan sa ating mga napupusuang kandidato. Kapag ang ibang tao ay salungat sa ating napipiling kandidato, pagkasuklam ang ating nadarama.
Ngayong Semana Santa, maisip sana natin na baguhin na ang ugaling ito. Sa gabay at patnubay ng Diyos, sa pamamagitan ng kaisa-isang Niyang anak na si Hesus, manalangin tayo na pagkatapos ng halalan sa Mayo 9 ay magkaroon tayo ng isang presidente at iba pang opisyal na Diyos ang nagluklok.