IBINASURA ng Labor Arbiter ang reklamo ni Eliseo. Wala raw itong basehan dahil hindi naman napatunayan ni Eliseo na may kinalaman sa trabaho ang kanyang sakit. Sa kabila raw kasi ng pagtatrabaho ni Eliseo sa engine room ay hindi naman direktang napatunayan kung paano nagkasakit at ano ang nangyari para lumama ang sakit nito. Hindi pinahalagahan ang ulat ni Dr. Vicente dahil isang beses lang ang naging kunsulta nito at walang indikasyon kung ano ang mga tests para magkaroon ng ganoong konklusyon ang doktor.
Sa apela ni Eliseo ay isinantabi ng NLRC ang desisyon ng Labor Arbiter at inutos sa OPM Maritime at OPM Crew na magkatuwang na magbayad ang dalawang kompanya ng $500,000 o katumbas na halaga sa pera natin. Ayon pa sa NLRC, may kinalaman sa trabaho ang sakit ni Eliseo dahil maaaring ang pagkabingi nito ay may kinalaman sa matinding ingay mula sa engine rooms kung saan madalas siyang nakababad. Ang medical report daw galing sa doktor ng kompanya ay natural na papabor sa kanila o “self-serving”. Ang sakit daw na nagpapahirap kay Eliseo ay may Grade 1 disability kaya may karapatan siya bilang complainant sa halagang $60,000 alinsunod sa POEA standard employment contract.
Bandang huli, binago ng NLRC ang desisyon nito at pinahayag na hindi buo o partial disability lang ang ibibigay kay Eliseo katumbas ng halagang $44,405.00 na katumbas ng Grade 3 rating. Pati Court of Appeals ay binago rin ang desisyon at ginawang $39,180.00 lang ang makukuha ni Eliseo pero nagdagdag ng 10% attorney’s fees. Ayon sa CA, nagkamali ang NLRC sa tuos o multiplier na ginamit dahil 88.81% at hindi 78.36% ang ginawang pamantayan dahil hindi naipakita ni Eliseo ang kopya ng CBA. Tama ba ang CA na Grade 3 impediment rating ang basehan?
MALI. Ayon sa Supreme Court, permanent total disability ang dapat ibigay kay Eliseo. Sa kabayaran ng pinsalang dulot ng sakit ay hindi ang sakit kundi ang kawalan ng kakayahan na magtrabaho ang binabayaran. Ang doktor ng kompanya ang may pangunahing tungkulin na sukatin ang kakayahan ng seafarer na magtrabaho. Obligasyon ng kompanya na ipagamot ang empleyado nito. May matatanggap pa nga na sickness allowance ang seafarer habang nagpapagaling siya na katumbas ng kanyang sahod mula ibaba siya sa barko dahil sa kanyang kapansanan hanggang magkaroon ng deklarasyon na maaari na ulit siyang magtrabaho. Kung hindi papayag ang seafarer sa ulat ng doktor ng kompanya ay maaaring magkasundo ang dalawang panig na magkaroon ng third doctor na susuri sa empleyado. Labas na sa kapangyarihan ng korte kung ano ang magiging resulta ng pagsusuri batay sa husay ng doktor na sumuri at sa magiging resulta pati ng eksaminasyon at disability rating.
Ang ulat ni Dr. Ramos na mayroong Meniere’s disease si Eliseo ay sapat na para sabihing permanenteng hindi na makakapagtrabaho sa barko ang lalaki kaya dapat lang bigyan ng total disability benefits. Alinsunod sa POEA-Sec ay $60,000 at 10% attorney’s fees ang dapat mabigay sa kanya pero ibabawas dito ang kung ano man ang nauna niyang nakuha. Dapat din na may legal interest ito na 6% kada taon hanggang tuluyang mabayaran (Elevera vs. Orient Maritime Services Inc., et., al., G.R. 240054, March 18, 2021).