Bakit bumibilis ang tibok ng puso at hinihingal?

Kapag tayo ay nagmamadali o nag-eehersisyo, hinihi­ngal tayo at bumibilis ang tibok ng ating puso. Ito ang natural na reaksiyon ng katawan sa ating paggalaw.

Kapag ginagamit natin ang masel sa ehersisyo, mas kailangan ng masel ang oxygen. Dahil dito, bibilis ang paghinga para makalanghap ang baga nang mas mara­ming oxygen.

Ang oxygen ay pupunta sa ating dugo. Samantala, bibilis ang tibok ng puso para mas maraming dugo na may oxygen, ang maibobomba ng puso sa mga masel ng katawan.

Kapag mabilis ang tibok ng puso, mas maraming dugo ang pupunta sa baga, kung saan mapapabilis ang pagkuha ng oxygen. Kapag nakapahinga na tayo, hindi na kailangan ng masel gaano ang oxygen at babagal na ang tibok ng puso at mawawala ang hingal.

Minsan ang taong ninenerbiyos ay hinihingal din at bumibilis ang tibok ng puso. Ito ay dahil ang stress ay nag­papalabas ng adrenaline, isang kemikal na nagpapabilis ng tibok ng puso.

May mga sakit na ganito rin ang epekto sa katawan, tulad ng hika, sakit sa puso, sakit sa baga at lagnat.

Show comments