EDITORYAL - Dumadagsa na rin ang mga kawatan

Mula nang isailalim sa pinaluwag na Alert Level 1 ang Metro Manila at 38 lugar, dumagsa na ang mga tao sa malls para mag-shopping, dagsa rin ang mga tao sa parke, beaches at iba pang mga pasyalan. Marami na ring tao sa Divisoria at Quiapo para mamili. Marami nang kumakain sa mga restaurant. Sa mga darating na araw, tiyak na marami pang tao ang aapaw dahil patuloy na sa pagbaba ang kaso ng COVID-19. Inaasahan na ngayong Marso ay magi­ging 500 na lamang ang maitatalang kaso sa bawat araw.

Sa pagdagsa ng mga tao sa mga pasyalan at pami­lihan, dagsa na rin ang mga kawatan. Dahil dalawang taon din natigil sa kanilang modus para makapagnakaw, atat na atat silang makapambiktima. At wala nang takot dahil kahit sa loob ng supermarket ng isang sikat na establisimento ay bumabanat.

Halimbawa dito ay ang nangyari sa ina ng aktres na si Nadia Montenegro na ninakawan ng walong miyembro ng Salisi Gang habang nasa loob ng isang sikat na shopping store sa Quezon City. Sa report ng QCPD, abalang nagsa-shopping ang ina ni Nadia­ noong Miyerkules nang bigla siyang paligiran ng walong tao na may mga dalang shopping cart at naipit siya sa gitna. Pinagkalipumpunan siya ng mga ito.

Huli na nang malaman ng ginang na nawawala na ang kanyang wallet na may lamang P10,000, ATM cards at mga identification cards. Iglap lang daw at may nakapag-withdraw na agad sa kanyang ATM ng P67,000. Agad nireport ng ginang sa mga kinauukulan ang nangyari. Noong Sabado, isa sa mga suspect ang sumuko. Tinutugis na ng QCPD ang pito pang miyembro ng Salisi Gang.

Hindi lang mga Salisi Gang ang sumasalakay ngayon kundi pati na rin mga holdaper, snatchers at mandurukot. Dagsa na sila kung saan maraming tao. Kailangang paigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay para maproteksiyunan ang mamamayan laban sa mga kawatan. Unti-unti nang nawawala ang COVID-19 at mga kawatan naman ang sumasalakay ngayon. Dapat mag-ingat ang mamamayan.

Show comments