Sumablay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources nu’ng Oktubre-Disyembre 2021. Sinabi nito na mag-import ng 120,000 tonelada ng isda dahil sa taunang commercial fishing ban. Kumontra ang nagpapalaisdaan; sobra ang bangus at tilapia nila para anihin nang pitong buwan. Umangal ang maliliit na mangingisda; bababa ang presyo ng huli nila sa pagdagsa ng galunggong, mackerel at sardinas mula abroad. Anila 15,000 tonelada lang ang kukulangin kung bumagyo, at sobra na kung 30,000. Pinasya ni Agriculture Sec. William Dar na mag-import ng 60,000 tonelada.
Ang nangyari, 37,000 tonelada lang ang pinasok at 12,000 lang ang nabenta ng 25 importers. Hindi naman nagkulang ang isda. Napatunayang mali ang BFAR at tama ang numero ng fisheries sector.
Umulit ang BFAR. Sinabi na mag-import ng 119,000 tonelada sa Enero-Marso 2022 dahil winasak ng super typhoon Odette ang mga bangka at palaisdaan sa Visayas-Mindanao. Muli kumontra ang magbabangus at tilapia, at maliliit na mangingisda. Puno ang fish pens at ponds. Simula na ang commercial fishing season. Hindi kailangan mag-import, anila, dahil meron pang 25,000 tonelada sa cold storage at 23,000 na ipapasok ng importers — kabuuang 48,000 mula nu’ng 2021. Pero pinasya ni Dar na magpapasok muli ng 60,000 tonelada, pati bonito at tulingan.
Ani Dar kailangan ang fish imports para mapatatag ang mga lokal.
Sagot ng maliliit na mangingisda, ang magpapatatag sa amin ay kung tutulungan kami ng BFAR magpa-repair ng bangka. Dagdag ng nagpapalaisdaan, ang magpapatatag sa amin ay tulong para mura ang pakain at transportasyon. Pahabol ng commercial fishers, ang kailangan namin ay proteksiyon kontra pambubundol at pamamaril ng Chinese coast guard at fisheries militia sa West Philippine Sea.
Milyun-milyong tonelada ang ninanakaw ng Chinese sa WPS. Hindi magkukulang ang isda kung makapanghuli roon ang Pilipino.