Pulmonya: Impeksiyon sa baga

Ang pulmonya ay isang matinding impeksiyon sa baga dulot ng bacteria, virus o fungus. Mas malaki ang panganib kung ang pasyente ay edad 65 pataas, may matagalang karamdaman o mahina ang immune system.

Ang iba pang risk factors sa pagkakaroon ng pulmonya ay ang paninigarilyo, may emphysema (isang sakit sa baga), at exposure sa polusyon sa hangin.

Paano nakukuha ang pulmonya?

Kadalasan ay nag-uumpisa ang pulmonya bilang isang trangkaso o ubo. At kung mahina ang ating katawan, puwedeng lumipat ang impeksyon sa ating baga at maging pulmonya.

Ang sintomas ng pulmonya at ang lagnat, ubo, hirap sa paghinga at panghihina ng katawan. Ngunit hindi lahat ng tao ay magkakaroon ng mga nabanggit na sintomas.

Dahil dito, mas mabuti na magpa-Chest X-ray ang pasyente. Ang Chest X-ray ang tiyakang magsasabi kung ika’y may pulmonya o wala. Ipinasusuri rin ng doktor ang plema (sputum test) para matukoy ang mikrobyo ng pulmonya. Makikita sa blood test (CBC test) ang epekto ng impeksyon sa katawan.

Ano ang kumplikasyon?

May dalawang klase ng pulmonya. Ang isa ay nakukuha sa komunidad, o ang Community Acquired Pneumonia. Ang isa naman ay galing sa ospital, ang Hospital Acquired Pneumonia. Mas seryoso ang mikrobyo na galing sa ospital.

Ang kumplikasyon ng pulmonya ay mas nakikita sa mga may edad, naninigarilyo at may dating sakit sa baga. Posibleng lumipat ang mikrobyo mula sa baga at kumalat ito sa dugo. Sepsis ang tawag dito. Puwede ring magkaroon ng nana (abscess) o tubig sa baga.

Gamutan sa pulmonya:

1. Pag-inom ng antibiotics. Kapag hindi malala ang pulmonya, puwede pa itong makuha sa pag-inom ng antibiotics, tulad ng Co-Amoxiclav 375 mg tablets. Ngunit kung may edad na ang pasyente o matindi ang impeksyon na tumama, kailangang ipasok sa ospital ang pasyente para mabigyan ng antibiotic sa suwero.

2. Pag-inom ng gamot sa ubo at lagnat, tulad ng carbocisteine capsule at paracetamol tablets.

3. Magpahinga at huwag munang pumasok sa trabaho.

4. Uminom ng 8-10 basong tubig para lumabnaw ang plema at bumaba ang lagnat.

5. Magpatingin at sundin ang lahat ng payo ng doktor.

Paano iiwas sa pulmonya?

1. Magpabakuna laban sa pulmonya at trangkaso. Ang pneumonia vaccine ay binibigay bawat 5 taon, at ang flu vaccine ay binibigay kada taon. Ang mga taong edad 60 pataas ang kadalasang binibigyan nito.

2. Huwag manghawa ng iba. Maghugas ng kamay palagi. Idura ang plema sa tissue o lababo at hugasan ito. Huwag gaano makipag-usap sa ibang tao. Itigil na ang paninigarilyo.

Show comments