HINDI na ipatutupad ang “no vax, no ride” matapos ibaba sa Alert Level 2 ang Metro Manila. Subalit hinihikayat pa rin ng local government units (LGUs) na magpabakuna na ang lahat upang magkaproteksiyon sa COVID-19. Sa ngayon, bumababa na ang COVID cases sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna. Inalis na rin ang quarantine status sa mga papauwing kababayan mula sa iba’t ibang bansa at maging sa mga turista.
Nagbigay naman ito ng kalituhan sa sambayanan dahil ang pangamba nila ay baka biglang sumipa na naman ang kaso ng COVID sa mga lalawigan. Kaya naman may panawagan ang medical experts na maghinay-hinay ang Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH) sa pagluluwag sa mga paparating na kababayan at turista.
Sa mga lalawigan kasi ay hindi pa halos nangangahalati ang nababakunahan. May mga lalawigan na kulang sa programa ang LGUs sa paghikayat ng kanilang constituents na magpabakuna. Kulang din sila sa equipment para ipreserba ang mga gamot.
May mga lalawigan sa ngayon na kinakapos sa healthcare workers matapos tamaan ng COVID at kasalukuyang naka-quarantine ang mga ito. Ang AFP at PNP ay nagpadala na ng medical personnels para punuan ang kakulangan ng mga doctors at nurses. Kaya kapag lumaganap na naman ang hawahan ng COVID sa mga lalawigan tiyak na malalagay sa panganib ang mga kababayan natin dahil kulang din ang kanilang mga pasilidad sa paggamot.
Samantala, tataas ngayong araw ang gasolina kaya tataas na rin ang presyo ng mga bilihin. Hindi na kayang rendahan ng Duterte admin ang paglabas ng mga ‘di bakunado sa paghahanapbuhay para hindi sila magutom. Ayon sa mga ekonomista ni President Duterte, kailangan nang luwagan ang health protocols upang makapaghanapbuhay na ang mga manggagawa. Kapag lumuwag na ang pagpasok ng mga turista, makakabangon na ang negosyo.
Magkakaroon na ng trabaho ang mga Pilipino at tiyak na babangon ang ekonomiya. Sa pagpapatigil ng “no vaccine, no ride’’ ng DOTr maraming Pinoy ang nasiyahan dahil makakapaghanapbuhay na sila at makapagliliwaliw ngayong summer.