Inagaw ang mana (Unang bahagi)  

ANG kasong ito ay tungkol sa paghahati ng mana o naiwang ari-arian ng isang namatay. Ang isyu ay ang usapan sa paghahati sa mana at kung legal ito o dapat igalang. Ito ay tungkol sa mga tagapagmana ni Teresa.

Isang biyuda si Teresa at may anim na anak, sina Linda, Myrna, Rolly, Dely, Lita at Tita. Nang mamatay, marami siyang naiwang ari-arian, lupa at personal na gamit.

Nang paghatian ang kanyang ari-arian, nagsampa ng reklamo si Linda dahil hindi raw niya natanggap ang parte sa mana. Hiningi niya sa RTC na magkaroon ng maayos na pagtutuos pati danyos sa nangyari.

Sinagot ng mga kapatid niyang sina Rolly, Dely, Lita at Tita ang kanyang reklamo. Si Linda raw ang ayaw maglabas ng mga dokumento patungkol sa naiwang ari-arian ng ina. Siya rin ang tumatanggap ng kabahagi sa parte sa mga interes ng ina at walang alam doon ang kanyang mga kapatid.

Kaya wala raw siyang karapatan na humingi ng tulong sa korte. Payag din naman daw makipag-areglo ang kanyang mga kapatid. Si Myrna ay sumagot din. Pabor daw siya na magkaroon ng kuwenta sa mga naiwang ari-arian ng ina at ang paghatian nila ito nang maayos.

Nagkaroon ng pag-uusap ang mga sangkot sa kaso. Bandang huli, nagkasundo sila para sa maayos na paghahati ng ari-arian. Nagtakda ng petsa sa pagpirma ng compromise agreement pero hindi sumipot si Myrna.

Wala raw kasi siyang sapat na pera para bumiyahe mula probinsiya papunta sa siyudad kaya si Linda lang at iba pa nilang mga kapatid ang nagsipirma sa kasunduan. Isinumite nila ito sa RTC na nag-apruba rito.  (Itutuloy)

Show comments