Talamak ang illegal drugs sa bansa. Patuloy ang pagpasok ng shabu, ecstasy at pati cocaine na umano’y ginagamit ng isang presidential aspirant ayon kay President Duterte. Ang problema sa droga ay isa sa mabigat na pasanin para kay PNP chief Gen. Dionardo Carlos. Nararapat paigtingin niya ang kampanya laban dito.
Matapos ihayag ng Presidente ang tungkol sa cocaine user noong nakaraang linggo, sinabi ni Carlos na ipagpapatuloy nila ang imbestigasyon na may kaugnayan dito. Hindi raw sila titigil kahit pa sumailalim na sa drug test ang mga presidentiable. Ayon sa PNP chief, idodokumento nila ang resulta ng drug test ng mga kandidato. Suportado naman umano nila ang drug test ng mga kandidato kahit na hindi ito mandatory. Kailangan umano nilang imbestigahan ang alegasyon na isang kandidato sa pagka-presidente ang gumagamit ng cocaine. Sa kasalukuyan, tuloy ang kanilang pag-iimbestiga at ilalantad umano nila ang kinalabasan ng imbestigasyon sa publiko.
Mula nang ihayag ang kandidatong gumagamit ng cocaine, nagkusa na ang presidentiables na magpa-drug test. Nanguna si Sen. Panfilo Lacson na sinabayan ng kanyang ka-tandem na si Sen. Tito Sotto. Pawang negatibo sila sa paggamit ng droga. Sumunod si Bongbong Marcos na nagnegatibo rin. Nagpa-drug test na rin sina Manny Pacquiao, Isko Moreno at ka-tandem na si Dr. Willie Ong na pawang negatibo ang resulta. Handa na rin umanong magpa-drug test si Leni Robredo.
Malaking hamon sa PNP ang isyu ng ilegal na droga sa bansa. Ito ang problemang ipinangako ni Duterte noong 2016 na lulutasin pero hindi nagkatotoo. Lumala pa nga at ngayon, siya na rin ang nagsabi na may presidentiable na gumagamit ng cocaine. Kung mapapatunayan ng PNP ang alegasyon ng Presidente sa sinasabing “cocaine user”, malaking karangalan ito sa pambansang pulisya. Kikinang ang pangalan ni Carlos at magiging kakaiba siya sa mga naging hepe ng PNP.
Sana mahalukay ng PNP ang ibinunyag ng Presidente ukol sa ‘‘cocaine user” at ma-trace ang source ng droga. Paigtingin ang kampanya laban sa droga. Durugin ang drug syndicates upang hindi masira ang kinabukasan ng mga kabataan at maging propesyunal man.