Palibhasa’y napakaraming isyu na pinagkaabalahan ngayon ng taumbayan hindi na napapansin ang tungkol sa usapin ng presyo ng petrolyo. Akalain mong pitong magkakasunod na oil price increase na pala ang naipatupad ng mga kompanya ng langis?
Kaya tayo may Department of Energy ay upang subaybayan ang takbo ng presyuhan ng gasoline, diesel at iba pang produktong petrolyo porke ang mga produktong Iyan ay nakaaapekto rin sa biglaang pagsipa sa halaga ng mga pangunahing pangangailangan ng tao.
Ano ba iyan? Mukhang naging lubhang abala sa pulitika si Energy Secretary Al Cusi kaya hindi na naasikaso ang maselang problemang ito. Imbes na palambutin ang impact ng oil price increase sa ekonomiya ay mas tinutukan ang mga mga aktibidad ng kanyang paksyon ng PDP-LABAN.
Baka nakakalimutan ni Cusi na tayo ay nasa espesyal na emergency situation dulot ng pandemya at bilang accessory ng Presidente na may special power sa ganitong sitwasyon, puwede siyang gumawa ng hakbang gaya ng pagsuspinde sa excise tax at value added tax sa langis. Dapat nga lang sabihin muna niya ito sa Presidente para aprubahan.
Sabi nga ni ACT Rep. Arlene Brosas, pulos pulitika kasi ang inaatupag ni Cusi at nakakalimutan ang kanyang panguhaning pananagutan bilang Energy Secretary. Tingin ko ay totoo naman. Sa panahong ito ng krisis, maghinay-hinay muna sa pulitika at harapin at hanapan ng solusyon ang mga krusyal na problema ng bansa.
Sadyang walang kontrol ang pamahalaan sa galaw ng presyo ng petrolyo sa world market. Pero hindi nangangahulugan na wala itong magagawa upang palambutin man lang ang impact nito sa taumbayan at ito ay pananagutan ng Department of Energy sa pangunguna ni Cusi.