Hindi na ako nagulat nang malaman na si Krizle Grace Mago ay hawak na ng House of Representatives. Ilang araw siyang hindi matagpuan ng Senado para ipagpatuloy sana ang imbestigasyon sa mga pinaggagawa ng Pharmally. Inasahan ko na babaguhin na ang kanyang pahayag. At ganun nga ang nangyari nang sa Kongreso na nagbigay ng pahayag. Ano pa ba ang aasahan natin dito?
Ayon kay Mago, “pressured response” raw o sapilitang sagot ang ibinigay niya sa Senado dahil daw sa matinding pagtatanong ng mga senador. Wala raw siya sa tamang pag-iisip at hindi raw malinaw ang kanyang pag-iisip. Talaga? Gaano ba kahirap magsabi ng totoo kung totoo naman ang sinasabi?
Kung napanood ninyo ang pagdinig ng Senado, hindi nakitang “stressed” habang sumasagot. Kalmado pa nga si Mago at nasa kanyang tahanan dahil via teleconferencing ang pagbigay ng testimonya. Hindi ko rin nakitang ginipit siya ng mga senador habang tinatanong.
Tandaan lahat ng kanyang ipinahayag sa Senado ay may panunumpa kaya may pananagutan na siya. At may isa pang empleyado ng Pharmally ang nagkumpirma ng kanyang mga sinabi sa Senado. Stressed din ba at sapilitang sagot ang ibinigay ng empleyadong iyon? O kung hawak lang din ng Kongreso?
Ang Kongreso ay susunod sa lahat ng nais at utos ni President Duterte. At para patunayan na ang lahat ng nais ni Duterte ang masusunod, isasailalim na sa audit ang Philippine Red Cross (PRC) kahit hindi saklaw sa tungkulin ng Commission on Audit dahil non-government organization (NGO) ang PRC.
May kinalaman din ang Solicitor General dito. Kaya noong hawak na pala ng Kongreso si Mago, ayun, binawi na lahat ng sinabi. Kung stress ang pag-uusapan, mas nakitang stressed siya sa Kongreso at umiiyak pa. Maganda nga sana kung behavioral psychologist ang magsasabi kung ano ang pinagkaiba ng kanyang disposisyon noong nasa Senado at Kongreso.
Napakalinaw ang pagtanggol at pag-aabogado ng Palasyo at Kongreso sa interes ng Pharmally. Natural na umalma ang mga senador sa ginawang pagbawi ni Mago. Dapat lang na kasuhan si Mago ng perjury sa kanyang pagbawi ng lahat ng sinabi sa Senado. Hindi puwede ang ganyang babawiin ang sinabi kapag hawak na ng mga kaalyado ng Presidente. Napaka-obvious naman niyan.