Mag-ingat sa mababang potassium

Isa sa pinakamahalagang mineral sa katawan ay ang potassium. Masama ito kapag sobra at masama rin naman kapag kulang. Kailangan natin ang potassium para sa normal na pagtibok ng puso at paggamit ng muscles.

Marami na akong nakitang pasyente na nadisgrasya dahil lamang sa mababang potassium. Ang tawag ng doktor dito ay hypokalemia.

Ano ang dahilan ng mabababang potassium?

Ang pangkaraniwang pinanggagalingan ng mababang potassium ay ang labis na pagpapawis, pagtatae at pagsusuka. Dahil dito, lumalabas ang potassium sa katawan sa pamamagitan ng ating pawis at dumi. Minsan naman, may diperensiya ang kidneys kaya lumalabas din ang po­tassium sa ihi.

Kung kayo ay mahilig uminom ng mga pamparumi, pampapaihi o pampapayat, puwedeng bumaba ang iyong potassium. Kung mahilig kayo sa colon cleansing, puwede­ ring bumaba ang potassium. Ang sobrang pag-eeher­sisyo at pagpapawis ay puwedeng makababa rin ng potassium.

Ano ang sintomas?

Ang sintomas ng mababang potassium ay ang pang­hihina ng mga paa, pinupulikat at abnormal na tibok ng puso. Nag-uumpisa ang panghihina sa may paa at uma­akyat ito ng dahan-dahan hanggang sa maparalisa na ang buong katawan. Napakadelikado ng sakit na ito at puwedeng ikamatay agad.

Paano ginagamot ang mababang potassium?

Kapag malala na ang lagay ng pasyente, kailangan nang dalhin sa ospital para mabigyan ng potassium sa dugo. Ngunit kung nag-uumpisa pa lamang ang panghi­hina ay puwede munang kumain ng mga pagkaing mataas sa potassium tulad ng saging, patatas, kamatis, orange at broccoli.

Ang mga pagkaing ito rin ang magandang paraan para makaiwas sa pagbaba ng potassium. Ang Gatorade ay may potassium din. May tableta rin na binibigay ang mga doktor, ang K-Lyte na mabilis magpataas ng potassium.

Para makaiwas sa sakit na ito, ugaliing kumain ng dalawang saging sa bawat araw. Tandaan: Two bananas a day can keep the doctor away.

Kumunsulta sa doktor kung kayo ay nanghihina. Isang blood test ang ipagagawa ng doktor upang malaman ang iyong potassium level. Kung kayo ay may sakit sa bato o kidney failure, magtanong muna sa doktor bago kumain ng pagkaing mataas sa potassium.

Show comments