Iisa ang kuwento nang Malaking Baha sa Bible, Torah, at Qur’an. Inalerto ng Diyos si Noah na uulan nang matagal bilang parusa sa kasamaan ng tao. Gumawa ng Arko na sasakyan nilang walo: si Noah, tatlong anak na lalaki, at mga asawa nila. Magsakay daw siya ng pares ng bawat hayop. Ibon ang naging sugo kung may lupa na o lubog pa rin. Napadpad ang Arko sa tuktok ng bundok. Lumabas lahat sa arko. Naglahi muli ang mga hayop. Nag-alay sina Noah sa Diyos bilang pasasalamat. Nagtanim ang isang anak, nangisda ang ikalawa, at nag-enhinyero ang bunso. Nagparami muli sila sa mundo. Sinusuri ngayon kung ang natagpuang wreck sa itaas ng bangin sa Mount Ararat, Turkey, ang Arko.
Anang geomythologists, alamat lang ang Malaking Baha. May iba’t ibang bersiyon ito sa rehiyon ng Mesopotamia. Tinamaan umano ito ng sakuna. May nagsasabi rin na hinalaw ang “alamat” ni Noah sa Epiko ni Atrahasis, noon pang 2800 BC.
Pero malaki ang kaibhan ng epiko sa teolohiya. Marami umanong diyos noon, at nabuwisit sila sa ingay ng tao dahil hindi sila makatulog. Pinarusahan nila ng sakit at tagtuyot pero maingay pa rin sa lupa. Pinulong ni Enlil lahat ng diyos, na nagpasyang bahain ang mundo. Sumalungat si Enki, kapatid ni Enlil, na ubusin ang tao. Inabisuhan si Atrahasis at pamilya na gumawa ng arko para makaligtas.
Ayon sa ilang anthropologists, nagkaroon talaga nang malaking baha nu’ng sinaunang panahon. Ito ang dahilan kaya pati ang Aztec sa Mexico, Inca sa Peru, at mga kultura sa South at Central Asia ay may kuwento tungkol dito. Nakakamangha na ang mga bersiyong ito ay katulad sa Bible, Torah, at Qur’an. Pati si Noah ay pangunahing karakter, bagama’t iba-iba ang bigkas at baybay sa pangalan niya. At lahat sinasabi na kaparusahan ang baha sa mga kasalanan ng tao.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).