May nagnanais nang buwagin ang rigodon ng mga Espino sa Pangasinan. May grupong naghahandog ng pagbabago sa lalawigan na isa sa mga may pinakamalaking botante sa Hilagang Luzon.
Nagkaroon ng alyansa sina Pangasinan 5th district Rep. Ramon Guico Jr. at Vice Gov. Mark Lambino. Nabuo ang Alyansang Guico-Lambino (Aguila) na ang hatid ay lubusang pagbabago at maibalik ang sigla ng ekonomiya ng probinsiya.
Lahat ng mga bigating pulitiko sa Pangasinan ay umanib na sa Aguila. Kabilang sina ex-Deputy Speaker Conrado Estrella III, ex-Alaminos City Rep. Arthur Celeste, dating three-time fifth district Rep. Mark Cojuangco, ex-Rep. Ranjit Shahani na anak ni dating Senador Leticia at pamangkin ni dating Pres. Fidel Ramos. Nasa ilalim na rin ng pakpak ng Aguila sina first district Rep. Arnold Celeste, third district Rep. Rosemary Arenas at sixth district Rep. Tyrone Agabas.
Balitang aanib na rin umano sa Aguila si fourth district Rep. Christopher George Martin de Venecia, anak ni dating House Speaker Jose De Venecia at Rep. Gina.
Tinalo na ni Guico noong 2019 si Espino Jr. sa 5th district. Nais ding padapain ni Guico si Espino III sa pagka-gobernador sa kabila ng usap-usapang susubok ulit si Espino Jr. sa 5th district sa 2022.
Pumapaimbulog na ang Aguila. Matayog ang lipad. Nag-aalay ng pagbabago at kakaibang pamumuno!
* * *
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com