Epekto ng pandemya malala kina lolo, lola

Nagkuwento ang manunulat na may isang anak. Mabilisan siyang bumisita sa magulang nitong pandemya. Anila, kaya naman ang mahigpit na lockdown at safety protocols sa matatanda. Pero mahirap daw tiisin ang pag­kawalay sa apo. Biniro sila ng manunulat kung hindi ba nila siya nami-miss. Napaisip siya sa sagot nila: “Miski isang taon ang lumipas, kapag magkita tayo, gan’un pa rin malamang ang hitsura at pinag-aabalahan mo. Pero ang apo, anim na buwan lang namin hindi makita, maraming dinaanan niya sa buhay ang lalampas sa amin.”

Mahabang panahon ang anim na buwan sa isang edad-16 o 6. Maaring mag-graduate na sa junior high school o mag-promotion sa taekwondo o recital sa piano. Maaring­ nag-permanente na karamihan ng ngipin o nagka-bulutong-tubig o nag-unang sleep-out ng Cub Scouts.

Sa lahat ng maranasan ng apo, nais ni lolo at lola maki­bahagi.

Walang makatitiyak kung sino ang mas mahal nina lolo at lola: ang anak o ang apo. Pero karaniwan na kung ano’ng higpit nila sa disiplina noon sa anak, siya namang pagkukunsinti sa apo. Dumulog naman sila sa anak nung unang­ magkabangungot, matiyagang tinuruan magbisikleta, at ipi­naghanda ng uniform at pagkain sa school. Pero bakit sabik pa rin sila gabayan ang apo sa pagsipilyo, makipag-basketball, at masaksihan ang pagliwanag ng mukha sa natanggap na Pamasko.

Hindi rin makahintay ang mga apo na matapos na ang pandemya para makapiling sina Lolo at Lola. Mas madali nila sila mapasang-ayon kaysa istriktong magulang.

Edad lolo na ako. Napapangiti pa rin ako na maalala panoorin si Lola magbalot ng ikmo at ngumuya ng nganga. Kumakati pa rin ang leeg at balikat ko sa alaala ng pagkaskas ng magaspang na balbas ni Lolo habang yapos ako.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments