Kastiguhin si Gen. Parlade

TALAGANG umuusok ang ilong sa galit ng mga senador­ sa kontrobersiyal na general na si Antonio Parlade, Jr. Tinawag kasing “stupid” ni General ang mga Senador na kumontra sa ginawa niyang akusasyon na ang mga organizer ng community pantry ay “komunista.”

Si Parlade ang spokesman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflicts. Kaya naman bilang reaksyon sa pagtawag sa mga naturang senador na “estupido,” iniharap ng mga senador ang resolution para kastiguhin si Parlade. May katwirang masaktan ang mga senador.

Banayad pa nga ang pagkastigo kung ako ang tatanungin. Dapat, sibak ang katapat ng padalus-dalos na ginawa niya. Ito ay masama ang epekto sa imahe ng administrasyong Duterte. Ang impresyong mahihinuha ng tao ay napipikon ang pamahalaan dahil pinalalabas na wala itong ginagawa sa harap ng paghihirap ng mamamayan.

Pati nga ang Malacañang ay nagpahayag na ng su­porta sa community pantry na puwedeng isagawa basta’t sumusunod sa kinakailangang health protocols sa harap ng umiiral na COVID pandemic.

May tagubilin na rin ang DILG na ang mga community pantry na lalabag sa panuntunan ay ipasasara. Tama naman na magkaroon ng panuntunan at superbisyon ang mga community pantry para maiwasan ang mga ma­saklap na insidente katulad ng namatay na senior citizen dahil sa pagpila sa community pantry ni Angel Locsin.

Ang ganyang insidente, bagama’t walang may gustong mangyari ay magiging mitsa para mabahiran ng pulitika ang mga gawain kahit pa mabuti ang layunin.

Show comments