Vaccine 101: Anong bakuna ang tama para sa akin?

May balak ka bang magpa-vaccine? Alamin kung para nga ba sa iyo ito, bakit mabilis nakagawa ng vaccines, kung alin ang tamang brand at iba pang mga katanungan.
Stock image: Pexels

Ngayong parami nang parami ang mga bakunang nabibigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Philippine Food and Drug Administration, marami ang nagtatanong kung anong bakuna ang tama para sa kanila. Magandang indikasyon ito na kahit paano, marami nang bukas na magpabakuna. Pero batay sa huling survey ng SWS tungkol sa pagbabakuna, may mga tao pa ring natatakot dito. Marami kasi ang nagsasabing napakabilis ginawa ang mga bakuna. Nagtataka naman ang ilang residente mula sa mga lugar na wala masyadong COVID cases kung totoo nga ba ang COVID-19.

Kaya inimbitahan ko si Dr. Benjamin Co ng Pharmacy and Therapeutics Committee ng Cardinal Santos Medical Center para linawin ang mga katanungan ukol sa pagbabakuna sa aking online show na Pamilya Talk.

 

Gaano kabilis nakagawa ng vaccine?

Sang-ayon si Dr. Co na talagang naging mabilis ang development ng mga bakuna. Pero nilinaw niyang ang mga tinatawag na platform na ginamit sa development ng mga bakuna ay subok na at matagal nang ginagamit ng mga scientist. Ito rin ang teknolohiyang ginamit sa loob ng napakaraming taon para makagawa ng inactivated vaccine para sa mga bakuna kontra polio, hepatitis A, rabies, at marami pang iba. Kaya napakadali na para gamitin ang mga platform ding ito para lumikha naman ng inactivated COVID-19 vaccine.

Binigyang-diin din ni Dr. Co na ang iba't ibang phases na kailangan para makabuo ng mga bakuna ay katulad din ng proseso sa paggawa ng kahit anong gamot. Ang lahat ng mga bakuna ay dumaan sa pre-clinical testing, sa hayop man o sa tinatawag na cell lines, upang makita kung gumagawa nga ito ng immune response, gaya ng paggawa ng antibodies. Pangalawa, dapat na mapatunayan na ang immunological response ay ligtas. Pagkatapos nito, maaari nang simulan ang unang bahagi ng clinical trials sa tao. Sa huli, isa lang ang nais makita ng medical community at mga gumagawa ng gamot: ligtas ba ang gamot? Ligtas ba ang bakuna?

Paano gumagana ang bakuna?

Paano nga ba gumagana ang iba't ibang mga bakuna? Bagama’t teknikal ang paliwanag ng mga ekspertong tulad ni Dr. Co, pipilitin kong maipaliwanag ito sa simpleng paraan.

Una, sabi ni Dr. Co, mayroon tayong tinatawag na inactivated vaccines, na gumagamit ng patay na virus para makakuha o maka-stimulate ng immune response. Ito rin ang pamamaraang ginagamit sa pagbuo ng bakuna laban sa polio, Hepatitis A, rotavirus, at iba pa. Ito ay subok na at napatunayang ligtas at epektibo. Ang mga halimbawa ng inactivated vaccine ay ang CoronaVac ng Sinovac, at pati na rin ang Covaxin ng Bharat Biotech, na kamakailan ay nakatanggap ng EUA mula sa FDA.

Mayroon din tayong tinatawag na protein-based vaccines na gumagamit naman ng bahagi ng virus upang makakuha ng immune response. Kamakailan, inihayag ng EU Commission na maaari nitong palawakin ang portfolio ng bakuna nito laban sa COVID-19 at isasama na rin ang protein-based vaccines na ginagawa ng Novavax at Sanofi/Glaxo-Smith-Kline.

Infographic: Bharat Biotech blog

 

Bukod dito, naririyan din ang tinatawag na mRNA o DNA vaccines, na gumagamit ng genes ng virus upang makakuha ng immune response. Ayon sa Center for Disease Control (CDC), ito ay mga bagong uri ng bakuna na magbibigay proteksiyon laban sa mga nakakahawang sakit na nagtuturo sa ating cells kung paano gumawa ng protina na siyang magpapagana ng ating immune response.

Panghuli, ang ikaapat na uri ng bakuna na ginagamit para sa COVID-19 ay ang viral vector vaccine, na gumagamit naman ng binagong bersyon ng ibang virus (tinatawag bilang vector) na siyang tutulong sa ating cells para mag-stimulate din ng immune response sa pamamagitan ng paggawa ng isang spike protein. Ang bakuna ng Johnson & Johnson ay isang halimbawa ng viral vector vaccine.

Ano ang tamang bakuna para sa iyo?

Ipinaalala sa atin ni Dr. Co na ang lahat ng mga bakunang nabigyan ng EUA sa Pilipinas ay dumaan sa malawakang pagsubok at ligtas para sa emergency use. Pinakamahalaga sa lahat, ang pinakamahusay na bakuna ay iyong agad na magagamit mo.

Batay sa pag-aaral, ang lahat ng mga bakuna na nabigyan ng EUA ay nagpakita ng bisa laban sa malalang kaso ng COVID-19 o severe COVID cases na siyang kailangan talaga nating labanan. Maliban dito, may kakulangan ng supply ng bakuna sa buong mundo. Kaya't kung magkakaroon ka ng pagkakataong mabakunahan, samantalahin na ang pagkakataon at gawin na ito!

--

Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube and Kumu (@JingCastaneda – 6 p.m. Monday and Wednesday; 7 p.m. Tuesday). Please share your stories or suggest topics at jingcastaneda21@gmail.com. You can also follow and send your comments via my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu.

 

Show comments