Sa bawat araw na nagdaraan, mas tumitindi ang laban natin sa COVID19. Batay sa datos mula sa Department of Health noong Sabado, mayroon nang mahigit 190,000 aktibong kaso sa buong bansa, karamihan ay mula sa National Capital Region. Mahigit 14,000 Pilipino na ang namamatay dahil sa COVID. Dumarami na rin sa ating mga kapamilya, kamag-anak at mga kilala ang nahahawa rito.
Bukod sa pandemya, malaki ring banta ngayon ang pagpapakalat ng maling impormasyon o misinformation at disinformation sa pagkilos natin laban sa virus. Dahil dito, importanteng armado tayo ng tamang kaalaman kung paano ito tatalunin. Pero ang tamang impormasyon ay mas mahalaga ngayong ang ating health facilities ay punung-puno na. Dahil dito, napipilitang manatili na lang sa bahay ang mga pasyenteng may COVID-19.
Kasabay ng pagdami ng mga kaso ay ang pagdami rin ng ating mga tanong ukol dito. Ano ang dapat kong gawin kung ang isang tao sa aking komunidad ay may COVID-19? Dapat ko ba agad siyang dalhin sa pinakamalapit na testing center para sa isang swab test? Anong mga mahahalagang bagay ang dapat nakalagay sa COVID Go Bag bilang paghahanda sa COVID?
Upang sagutin ang ilan sa mga katanungang ito, inimbitahan ko si Dr. Naida Javier-Uy, ang Chief Medical Officer at Senior Vice-President ng Cardinal Santos Medical Center, sa isang episode ng Pamilya Talk.
Pag-aalaga sa bahay
Sabi ni Dr. Javier-Uy, wala nang COVID “suspects” na dumarating sa kanilang ospital ngayon. “Puro positive na, at pami-pamilya,” sabi niya sa akin. Minsan pa nga, ang isang bahay ay may lima hanggang anim na positibong kaso.
Dahil sa dami ng COVID cases sa ating mga ospital ngayon, hindi pinapayuhan ang pagpunta roon para lang sa checkup, maliban na lang kung ang pasyente ay kailangan ng agarang-alaga. Sabi ng ating eksperto, kung ang isang tao ay positibo sa COVID, hindi ito nangangahulugang siya ay dapat nang ipasok sa ospital. Kung ang indibidwal ay may mild symptoms ng COVID o walang sintomas at walang comorbidities, ang mahigpit na pag-monitor sa temperatura ng kanyang katawan, presyon ng dugo, rate ng puso, at oxygen level ay maaari namang gawin sa bahay.
Ngunit kailangan ding tingnan ng mga doktor kung ang kanyang tahanan ay akma para rito sa tinatawag na home care. Ang isang COVID patient ay dapat magkaroon ng isang hiwalay na silid at banyo. Dapat maayos ang daloy ng hangin sa kanyang silid at may sarado itong pinto. Dapat ding magkaroon ng isang maayos na sistema ng paghahatid ng pang-araw-araw na pangangailangan ng pasyente na tulad ng kanyang pagkain. Pero hangga’t maaari, dapat ding iwasan ang contact ng mga kasama sa bahay at ng pasyente.
Kahit isailalim sa home care ang pasyente, dapat ay patuloy pa rin siyang sinusubaybayan ng isang doktor. Sa Cardinal Santos Medical Center, nag-aalok sila ng telemedicine para sa mga COVID patient. "That way, hindi magpa-panic ang pasyente kasi may expert opinion and guidance," sabi ni Dr. Javier-Uy. (Para sa impormasyon tungkol sa "COVID Care at Home" ng Cardinal Santos Medical Center, tumawag lang sa kanilang hotline sa 8727-0001 loc 3005 Lunes hanggang Biyernes, 7AM - 4PM.)
Susuriin ng doktor ang kalagayan ng pasyente (kung ito’y mild, moderate at severe) at magrerekomenda siya ng mga lab test na dapat gawin. Ang kondisyon ng pasyente ay i-momonitor araw-araw ng doktor. May iba ring mga ospital na tulad ng The Medical City at St. Luke's Medical Center na nag-aalok din ng home care at telemedicine.
Kailan dapat magpa-swab test
Tinanong ko si Dr. Javier-Uy kung ano ang dapat gawin kung ikaw ay ma-expose sa isang may COVID. Ang madalas na reaksiyon, sabi niya, ay ang magpa-swab test agad. Ngunit ito ang kanyang payo: Kung symptomatic ka, inirerekomenda na sumailalim ka agad sa swab test. Ngunit kung ikaw ay walang sintomas, maaari kang maghintay at magmasid muna. Inirekomenda niya ang pagpapa-swab test sa ikalima hanggang ikapitong araw pagkatapos ma-expose sa pasyenteng positibo sa COVID. Kung ang resulta ay negatibo, balik-normal ang buhay mo.
Ano ang laman ng COVID19 Go Bag?
Ang pag-iwas sa COVID19 ay tulad ng paghahanda laban sa isang bagyo -- nagsisimula ang paghahanda sa bahay. Ang pagkakaroon ng COVID care kit ay makatutulong para mapigilan natin ang virus.
Narito ang listahan kung ano ang laman ng isang COVID19 Go Bag, batay sa aking mga panayam sa iba't ibang mga eksperto at mga propesyonal sa larangan ng kalusugan na katulad ni Dr. Javier-Uy.
Paalala ukol sa home care
Pinag-iingat din ni Dr. Javier-Uy ang taumbayan laban sa pagsagawa ng steam inhalation, na maaaring magdulot ng panganib dahil maikakalat nito ang COVID virus sa pamamagitan ng droplets.
Sa isang online forum na pinamagatang “What to do When COVID Hits Home,” na inorganisa ng Santuario de San Antonio Parish, tumutol din si Dr. Anna Lisa T. Ong-Lim (propesor at Division Chief ng Infectious and Tropical Disease Section ng University of the Philippines-Philippine General Hospital - UP-PGH) sa pagsasagawa ng steam inhalation. Sinabi niyang ang steaming ay hindi napatunayang nakakapigil sa COVID at maaari pa nga itong makapinsala sa lining ng iyong mucosa o ang tissue na nasa ilang bahagi sa loob ng katawan, na maaaring magsilbing dahilan para ma-expose ka sa mas marami pang ibang impeksyon.
Binigyang-diin din ni Dr. Javier-Uy na ang paggamit ng tangke ng oxygen ay dapat gawin sa tulong ng isang health professional dahil ang mga kinakailangang setting para rito ay magkakaiba sa bawat tao. "Kadalasang inirerekomenda namin ang mga tangke ng oxygen para sa mga pasyenteng may matagal nang sakit sa baga at hindi para sa COVID," sabi niya.
Paglaban sa infodemic sa gitna ng pandemic
Ang pandemya ay hindi lamang kumokontra sa isang nakamamatay na virus, kundi ito’y dapat na kumukontra rin sa infodemic o yung malawakang pagkalat ng maling impormasyon. Ang siyensiya ang ating pinakamagandang depensa. Nasa panahon tayo ngayon kung saan mas mabigat ang pagpapahalaga sa mga impormasyon kaysa dati. Kaya ang hamon sa atin ay ang maging mas mapanuri tayo sa ating mga nakikita at naririnig, at mas maging matapang tayo sa paninita sa mga maling impormasyon na nakikita natin.
Panoorin ang full episode ng Pamilya Talk sa link na ito: https://www.youtube.com/watch?v=1DW3gutzZUw
--
Ipadala ang inyong mga kuwento, tanong o suhestiyon sa jingcastaneda21@gmail.com You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, Youtube, Twitter, and Kumu.