May sarkastikong pahayag si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin. Kung sisiklab daw ang World War III dahil sa namumuong tension sa West Philippine Sea o South China Sea, malamang ito na ang tatapos sa mahigit isantaon nang pandemic sa COVID-19. Kaso, hindi lamang mikrobyo ang mapupuksa kundi pati tao.
May kumakalat na ‘di kumpirmadong balita na nakaalerto raw ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas dahil galit na galit umano ang China lalo pa’t nagpadala ng mga barkong pandigma ang Estados Unidos sa pinagtatalunang karagatan. Sinundan pa ito ng pagpapadala ng Philippine Coast Guard ng mga patrol ships sa Julian Felipe Reef na pinagtatambayan ng mga barko ng China.
Ayaw iwanan ng China ang karagatang bahagi ng ating exclusive economic zone sa kabila ng mga letter of protests na naipadala na ng Pilipinas. Ayon kay Locsin, tama naman ang pagpapadala ng patrol ships ng ating Coast Guard sa naturang karagatan.
Gayunman, kung sakaling magkaroon ng sagupaan at may pinalubog ang China na barko ng Pilipinas, tiyak kikilos ang Amerika at gaganti tulad ng isinasaad ng Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at US. Sa ilalim ng 1951 Phl-US Mutual Defense treaty, isinasaad na ang dalawang bansa ay ipagtatanggol ang isa’t isa sa sandaling ang sino man ay salakayin ng ibang bansa.
Ang sabi ni Locsin, “Now we’re in business. Sink those and it triggers World War 3 under the terms of PH-US Mutual Defense Treaty. That could be the solution to the pandemic because the 7th Fleet alone has the puissance to end all life forms on the Asian mainland. Even cockroaches, I am assured,” ani Locsin sa kanyang Twitter post.
Nasa maselang kalagayan ngayon ang daigdig. Sa ganitong panahon, manumbalik nawa ang ating malalim na pananampalataya sa Diyos na siyang tanging makatutulong para hanguin ang daigdig sa krisis.