Lugaw for the soul: Ang papel ng panalangin ngayong pandemya

Ano nga ba ang “essential” sa isang krisis? Nitong nakaraang linggo, nag-react ang social media sa viral video ng isang delivery rider na hinarang sa checkpoint sa kasagsagan ng lockdown. Giit kasi ng mga bantay, hindi raw essential item ang lugaw na dala ng motorcycle rider.   Pero sa panahong ito, kahit isang mangkok lang ng lugaw, kaya nang ibsan ang ating gutom at pagod. #LugawIsEssential hindi lang sa ating pisikal na pangangatawan, kundi pati na rin sa aspetong ispirtuwal.

Hindi lang kasi basta pagkain ng mainit na lugaw. Ginhawa’t pag-asa ang hatid nito sa kumakain.  Hope in a bowl.  Noong ako’y musmos pa, lugaw at sopas ang laging ibinibigay ng aking ina tuwing ako ay may sakit o may lagnat.   Kaunting higop lang, gumiginhawa na ang aking pakiramdam.  Kaya hanggang ngayon, mistulang napapanatag ako kapag may lugaw sa hapag-kainan.

Pananalig ngayong may krisis

Higit nating kailangang maging kalmado at panatag ngayong pandemya. Hindi biro ang paglobo ng mga kaso. Ang dating 10,000 kaso kada araw, naging 15,000 na sa katapusan ng linggo. Kawawa ang mga negosyo na matapos magbukas ay nagsara na naman dahil sa muling pag-lockdown sa NCR at iba pang mga lugar. Kung tutuusin, dinaig pa natin si Angelica Panganiban sa pelikulang One More Try.  Sabi kasi niya, pasensya lang niya ang nauubos at hindi ang pera.  Pero marami sa atin, ang bulsa at pasensya, kaunting-kaunti na lang!

Normal lang na mapagod at mag-alala. Pero huwag kalimutang humugot ng pananampalataya at pag-asa, katulad ng paghigop ng mainit na lugaw.  Sabi nga ni St. John Paul II Parish Priest Fr. Aris Sison sa programang  Pamilya Talk.,  dito natin lubos na mararamdaman ang Diyos. “Mas lalo tayong dapat magtiwala kasi nga wala na tayong ibang malalapitan.”

Related video:

May nagtanong sa programa kung nananalangin ba tayo dahil nananampalataya tayo o dahil gipit na tayo?  Kumbaga, napipilitan tayong maniwala na lang dahil desperado na tayo at wala nang matakbuhan.

Ngunit kung titingnan natin, ang ugat ng kagipitan ay takot. Tumatakbo ba tayo kay Nanay dahil wala nang ibang nagmamahal sa atin o dahil alam nating minamahal niya tayo mula’t mula pa? Kahit hindi natin lubusang maipaliwanag, alam natin ang sagot diyan.  Iyon ang larawang ipinipinta sa atin ng pananampalataya (at ng lugaw).  Mas pinipili nating maniwala kahit sangkatutak pa ang dahilan para matakot.

Tiwala at Takot

Sa maniwala kayo at sa hindi, may matututunan tayong mga matatanda sa mga bata pagdating sa pananampalataya. Nag-guest din si Camilla Kim-Galvez, host ng The 700 Club Asia, sa Pamilya Talk episode na faith and family, at sabi niya, “Sobrang laki ng faith ng mga bata.”

Pero hindi ito nangangahulugan na hindi matanong ang mga bata.  Mas matanong pa nga sila kaysa sa matatanda! Parang espongha o sponge ang isip ng mga bata – absorbent! Marami man silang gustong usisain, may mga bagay na alam na ng kanilang mga puso. Hindi na kailangang busisiin pa.

Naniniwala ang mga bata na love sila nina Nanay at Tatay. Naniniwala ang mga bata na ligtas ang mundo basta’t kasama sina Mommy at Daddy. Kaya kapag nagtanong ang bata, bukal ito sa kalooban nila. Wala sa isip nilang makipagtalo.

Walang masama sa critical thinking. Lalong walang masamang makipag-real talk sa Diyos. Natural lang na magtanong paminsan-minsan kung bakit tayo nahihirapan. Ayos lang na humagulgol na parang bata kapag napakabigat na ng nararamdaman natin. Sabi nga ni Camilla at ng asawang si Raul, “We don’t need to be perfect. We just need to be authentic.” Mas mahalaga ang personal na ugnayan natin sa Diyos kaysa mga sinasaulong panalangin at mga nakasanayang ritwal.

Magpakatotoo tayo kay Lord

Ang pinakamatamis na panalangin ay hindi scripted o memoryado.  Pinaka-epektibo ang dasal kapag ramdam mong nakikipagkuwentuhan ka lang sa Panginoon.  Sabi ni Fr. Sison, encounter o pakikipagtagpo sa Panginoon ang panalangin.  Ito rin ang laging pinapa-alala sa atin ng Santo Papa.

Nasa bawat isa sa atin kung saan at sa paanong paraan natin kakausapin ang Diyos.  Puwede natin siyang tanungin kung bakit may pandemya pa rin ngayon.  O kung bakit hindi pa rin Niya sinasagot ang ating mga dasal.  May kanya-kanya tayong mga pasaning problema at tanging ang Panginoon ang lubos na makaiintindi at makatutulong sa atin.

Ialay natin sa Kanya ang mga tanong at mga pasaning ito.  Higit sa lahat, tumahimik tayo at makinig.  Samantalahin natin ang panahong ito para buksan ang ating puso at papasukin Siya sa ating buhay.

Tulad ng isang mangkok ng lugaw na nagbibigay sa atin ng pag-asa at ginhawa, hayaan nating punuin din ng Panginoon ng lakas at pag-asa ang ating puso.

* * *

Ipadala ang inyong mga kuwento, tanong o suhestiyon sa jingcastaneda21@gmail.com You can also follow my social media accounts:  Instagram, Facebook, Youtube, Twitter,  and Kumu.

Show comments