NOONG Dis. 25, 2020, lumapag sa Kagitingan (Fiery Cross) Reef ang dambuhalang Y-20 military warplane ng China. Hindi malaman kung ano ang pakay ng pag-landing. Nagsasanay lang kaya ang People’s Liberation Army? O nagbaba ng tao at armas, kasama ang missiles?
Saklaw ng West Philippine Sea ang Kagitingan. Nasa 200-mile exclusive economic zone ito ng Pilipinas, at lampas sa sariling EEZ ng China. Malapit sa Pagasa Island, bayan ng Kalayaan, Palawan. Inagaw ito ng China nu’ng 1998, at ginawang island-fortress simula 2013. Meron nang airstrip kung saan nag-test landing ang Chinese fighters at bombers nu’ng 2015-2016. Pinasya ng arbitral court sa The Hague na labag sa batas ang pag-okupa at pag-kongkreto ng China sa bahura.
Pinaka-malaking eroplanong pandigma ng People’s Liberation Army ang Y-20. Misyon nu’n magkarga ng tangke, kanyon, at missiles. Nagpapanggap ang mga naghaharing komunista sa Beijing na kaibigan sila ng Pilipinas. Pero hindi gawain ng kaibigan ang mang-agaw ng bahura, magkuta roon, at maglagak ng sandatang pang-opensiba.
Palusot ng China na kesyo 12 beses daw pumasada ang US Navy destroyers sa karagatan, kaya sila nagkukuta roon. Kalokohan! Kesyo raw sa kanila ang Kagitingan dahil sa “historic rights” at “nine-dash line”. Pero parehong ibinasura ng The Hague ang dalawang walang batayang pag-angkin. Ang EEZ ng anumang bansa ay maaring pasadahan o pagpraktisan ng dayuhang navy, huwag lang manira ng bahura at yaman-dagat. Ayon ‘yan sa UN Convention on the Law of the Sea.
Malapit lang sa Kagitingan ang Zamora (Subi) Reef. Inagaw din ito ng China sa Pilipinas at ginawang air at naval base. Mula sa dalawang armadong bahura maaring lusubin at angkinin ng China ang Pagasa, na inaangkin din nila. ‘Yan ang pakay ng nagbabalatkayong kaibigan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).