MARAMING nagreklamo sa ipinatutupad na Motor Vehicle Inspection System (MVIS) sapagkat sobrang mahal ng sinisingil ng awtorisadong Motor Vehicle Inspection Centers (MVICs). Mula nang ipatupad ang MVIS noong Disyembre 20, 2020, umangal ang mga nagpaparehistro ng sasakyan sapagkat sobrang mahal ng singil para sa inspection. Sumisingil ang MVICs ng P1,800 para mabigyan ng certification. Kapag may nakitang depekto, panibagong inspeksiyon muli at siyempre, panibagong bayad.
Narinig ni Presidente Duterte ang hinaing ng mga motorista at ipinag-utos na huwag nang ga-wing mandatory ang MVIS. Dahil dito, walang bago o karagdagang singil para sa pagpaparehistro ng mga sasakyan. Sabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, umaksiyon ang Presidente sa hinaing dahil sa pinagdadaanan krisis dulot ng COVID-19 pandemic. Tama ang hakbang na ito. Hindi dapat pahirapan ang mamamayan na sagad na ang dinaranas na kahirapan dahil sa pandemya. Hindi dapat isabay ang mga ganitong “pagpapahirap” sapagkat kawawa naman ang taumbayan.
Una nang nanawagan sina Senators Grace Poe at Ralph Recto na suspendihin ang MVIS dahil hindi ito nagkaroon ng konsultasyon sa publiko at kuwestyunable ang mga procedure. Bukod pa nga na masyadong mataas ang singil ng private motor vehicle inspection centers. Malinaw anila na source ng korapsiyon ang ginagawa ng MVICs.
Maganda sana ang hangarin ng MVIS para sa kaligtasan ng mamamayan at mga motorista. Kapag maayos o walang depekto ang sasakyan, maiiwasan ang mga aksidente na nagbubuwis ng buhay. Subalit may mali sa pag-iimplement sapagkat ang nararapat higpitan ay ang mga pampublikong sasakyan na kadalasang nawawalan ng preno, nababangga at nahuhulog sa bangin. Unahin din ang mga truck na kakarag-karag na kadalasang umaararo sa mga bahay dahil nawalan ng preno.
Kasabay sana sa paghigpit sa pag-iinspection, maghigpit din ang LTO sa pagbibigay ng lisensiya sa mga drayber. Kadalasan, maraming drayber ang walang kasanayan sa pagmamaneho at nagiging dahilan ng mga kalunus-lunos na trahedya sa kalsada na maraming pasahero ang namamatay.