Kung ikaw ay babae malamang na ikaw ay makararanas ng menstrual cramps o pananakit ng puson. Sa medikal na tawag ay dysmenorrhea.
Ang nakababagot, nakagagambala at sobrang pananakit ng puson ay nabubuo sa ibabang bahagi ng tiyan at gayun din sa likod at hita.
Ang iba naman ay nakararanas pa ng pagduduwal, pagsusuka, pagtatae, pagpapawis at pagkahilo.
Marami sa kababaihan ay nakararanas ng menstrual cramps bago dumating o habang mayroong regla.
Ayon sa mga eksperto, ang pananakit ay dahil sa paghilab ng matris (uterus) na nagpapahiwatig na ang daluyan ng dugo ay naiipit. May kondisyon din tulad ng endometriosis at uterine fibroids na nagdudulot ng sakit sa puson.
Ang menstrual cramps ay nababawasan habang nagkakaedad at nawawala pagkatapos manganak.
Tips para makaramdam ng ginhawa at maiwasan ang dysmenorrhea:
1. Lagyan ng hot compress – Subukang magbabad sa bath tub ng may maligamgam na tubig o mag-apply ng mainit na tuwalya (hot compress) sa iyong ibabang bahagi ng tiyan.
2. Mag-ehersisyo – Nakatutulong ito na mabawasan ang sintomas ng menstrual cramps.
3. Pain relievers na panandalian lang – Puwede ang paracetamol, ibuprofen o naproxen kapag nagsimula na makaramdam ng cramps. Kung hindi naman ganoon kasakit, ay huwag na lang uminom ng pain relievers.
4. Dietary supplement – Ayon sa ilang pag-aaral na ang Vitamin E, thiamin, at omega-3 supplement ay maaaring makatulong na mabawasan ang sintomas ng menstrual cramps.
Kumunsulta sa iyong doktor kung ang menstrual cramps ay sobrang sakit, may kasamang lagnat, hindi nawawala, at nakagagambala sa iyo.
Kumunsulta rin kung kayo ay naduduwal, nagsusuka, o mayroong kakaibang discharge o amoy sa puwerta.