Kaliwa’t kanan ang paglabag ng mga barko ng China sa mga karagatan natin na tila wala silang pakaialam o takot kung masita. Una ay ang M/V Zhonhai 68 na isang dredging ship. Nahuli ang barko na ilegal na nasa loob ng karagatan ng Bataan at naghuhukay. Ang parehong barko ay namataan na rin sa karagatan ng Zambales noong isang taon. Bakit ngayon lang inaaksyunan ang barkong ito? Kaya ba malakas ang loob ng barko pumasok sa karagatan natin ay dahil pinapayagan naman sila?
Ayon sa Philippine Cost Guard (PCG), pormal na maghahain ng seizure order laban sa barko na hindi makapagpakita ng mga tamang dokumento at nakapatay pa ang transponder. Ang transponder ang nagpapakilala sa barko sa lahat ng makatanggap ng signal nito. Malinaw na pinatay para hindi sila madiskubre ninoman.
Sa silangang bahagi naman ng bansa, ang barkong panunuri na Jia Geng ang naka-angkla sa karagatan ng Bato, Catanduanes pero nasa loob na ng ating exclusive economic zone noong Enero 25 pa. Humingi raw ng pahintulot sa mga otoridad natin na manatili muna sa nasabing karagatan mula Enero 28 hanggang Pebrero 2 dahil “sa mga kundisyon ng karagatan at ng panahon”. Pero wala namang namataang masamang panahon sa nasabing karagatan. Hindi na bago ang mga ganyang dahilan ng mga barko ng China.
Natatandaan n’yo pa ba ang barkong Yuemaobinyu 42212 na bumangga sa Gem Ver 1 dahil “hinahabol daw sila ng mga Pilipinong barkong pangisda”? Lumabas na wala naman, batay sa mga imaheng satellite. Nagdahilan lang para itago ang kanilang masamang ginawa. Hindi rin ito ang unang beses na pumasok ang barkong Jia Geng sa ating karagatan. Umangkla rin sa may Cagayan noong Setyembre “dahil din daw sa masamang panahon”.
Hindi rin pinayagan ng kapitan ng Jia Geng ang mga tauhan ng PCG na magsigawa ng inspeksyon dahil daw sa COVID-19. Lumayag na rin ang barko noong Lunes at sinundan ng eroplano para mabantayan kung talagang aalis na mula sa ating karagatan. Pero malinaw na lumabag na naman sila at wala naman tayong nagawa. Wala talagang katapusan ang panghihimasok ng mga barkong Tsina sa buong bansa. Ano ang interes nila sa silangang bahagi ng karagatan natin na ubod na ng layo sa China? Tila wala silang pakialam kung pumasok sila nang walang pahintulot. Dahil ba alam nila na siguradong bibigyan sila ng pahintulot ng administrasyong ito?
Kailan lang ay binigyan ng go-signal ng Beijing ang lahat ng kanilang coast guard na gumamit ng anumang paraan para ipagtanggol ang kanilang soberenya sa buong South China Sea. Kasama riyan ang paggamit ng mga armas. Ganyan silang magsalita pero wala namang respeto sa mga batas-karagatan natin. Bukod sa kinakayod ang iba’t ibang karagatan, sinusuri naman ang napakalayong karagatan sa kanila para malaman kung anong meron na kanilang mapapakinabangan. Hindi ba pang-aabuso na ng pagkakaibigan iyan?