Noong kasagsagan ng pandemya, sumikat ang mag-asawang berdugo sa isla ng Tingloy sa Batangas.
Sila ang mag-asawang sina Mayor Lauro Alvarez at Kapitana Amelia Alvarez. Sa sobrang kakapalan ng mukha, pinalitan ang Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.
Ang SAP, ipinangalan mismo ni kapitana sa kanyang sarili at ginawang Social ameliaration Program. Ang pera ng gobyernong ipinamamahagi sa mga tao, hahatiin para umano ipamigay sa ibang residente.
Putok ang isyung ito, maging ang ilang barangay captain sa Tingloy ay pumalag. May ilang napilitang sumunod sa takot na balikan sila ng mag-asawa.
Kasalukuyang nakasampa ang reklamo sa Department of Interior and Local Government laban sa mag-asawang ito sa isyu ng AMELIAration.
Eto ngayon, strike 2!
Panibagong reklamo ang ipinaabot sa BITAG laban sa mag-asawang Alvarez.
Akala siguro ng mga ‘to, dahil malayo sa kabihasnan ang kanilang bayan ay hindi mabubunyag ang mga kabulastugan dito sa Metro.
Ang sumbong, pananampal ni Mayor Lauro Alvarez sa isang binatilyo. Matapos maipalabas ang sumbong na ito sa digital media at sa telebisyon, naglutangan ang iba pang mga biktima.
Lumalabas sa mga sumbong, kapitan pa lamang siya ng barangay habang ang kanyang misis ay nakaupong mayor, mukhang nakahiligan nang manampal ni Mayor Lauro.
Hindi nagawang magreklamo ng mga biktima dahil ang mga pulis daw mismo ng isla ang pumigil sa kanilang magreklamo.
Hindi raw nila kaya ang kanilang kakalabanin kaya’t mas mabuting huwag na lang pansinin ang pananakit na kanilang tinamo.
Talaga bang kinatatakutan kayo diyan sa Tingloy? O baka naman sa katotohanan, isinusuka na kayo ng inyong mga kababayan!
Mayor Lauro at Kapitana Amelia, sinubukan naming kayong tawagan, dalawang magkasunod na araw subalit mukhang nagtatago na naman kayo.
Iniimbitahan ko kayo kahit sagutin ko pa ang lahat ng gastos, bukas ang tanggapan ko para sa inyo para makuha ang inyong panig.
Tandaan n’yo, malapit na ang eleksyon. Siguradong hindi ito makakatulong sa inyong kandidatura.