EDITORYAL - Abot-kayang saliva test

INUMPISAHAN na kahapon ng Philippine Red Cross (PRC) ang saliva test para sa COVID-19. Ang PRC ang binigyang permiso ng Department of Health (DOH) para unang magsagawa ng saliva test na magde-detect sa virus.

Sa pag-aapruba ng saliva test, hindi na ga­anong mamumroblema ang mga Pinoy na magpapa-test para ma-detect ang coronavirus. Mayroon nang mas murang paraan at hindi na aasa sa mahal na swab test na nagkakahalaga ng P3,000 hanggang P5,000. Ayon sa DOH, ang saliva test ay nagkakahalaga ng P1,500 hanggang P2,000. Bukod sa mura, mabilis din at mapagkakatiwalaan ang resulta ng saliva test.

Ayon kay DOH undersecretary Ma. Rosario Vergeire, inaprubahan na ang saliva test makaraang magkasundo ang laboratory experts. Nagsagawa ng rekomendasyon ang laboratory experts at ibinigay ito kay DOH secretary Francisco Duque III. Inatasan naman ng DOH ang Red Cross na magsa­gawa ng test bilang alternatibo sa real-time reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test. Ang laboratoryo ng Red Cross ay gagamitin sa pagsasagawa ng saliva test.

Unang ginamit ang saliva test sa Israel, United States, Singapore, Hong Kong at Taiwan. Naging mabilis ang pag-detect ng mga nasabing bansa sa virus kaya marami ang nakaiwas at gumaling. Isa pang kagandahan ng saliva test, walang direct con­tact ang health personnel sa pasyente. Ilalagay lang ng pasyente ang kanyang laway sa vial at maaari na itong isalang sa pagsusuri at malalaman na agad ang resulta.

Hindi na gaanong mahihirapan sa gastos ang mga magpapasuri. Malaking tulong para lahat ay makapagpa-checkup at maiwasan ang virus. Ganunman, kinakailangan pa rin ang lubos na pag-iingat at pagsunod sa health protocol para hindi kumalat ang coronavirus na sa kasalukuyan ay mayroon nang bagong variant at 17 Pinoy na ang infected. Sundin ang kinauukulan nang hindi lumala ang problema. Sa pinakahuling report ng DOH, umabot na sa 513, 619 ang kaso ng COVID sa bansa.

Show comments