(Karugtong nang lumabas kahapon)
PATUMPIK-TUMPIK lang ang bulag na Sandy na umaasa sa alalay ni Art. Minsan pumasyal sila sa siyudad. Sa restoran ng magulong istasyon ng tren, biglang nawala si Art. Sa kaba napatakbo si Sandy, nabunggo ang mga mesa, nakabasag ng mga baso’t pinggan, at nabuwal. Nasugatan ang noo at mga tuhod. Duguan, nakasakay siya ng tren pabalik sa campus. Habang kumakapa pabalik sa dorm nabunggo siya sa isang tao. “Sorry,” anang tao. Si Art! Magwawala sana si Sandy nang mabatid niya ang lahat. Hindi pala siya inabandona ni Art; naroon lang ito, tahimik sa tabi, sinusuri kung ano ang gagawin niya sa gan’ung sitwasyon. “Alam ni Art na dapat akong matutong tumayo nang sarili,” aniya.
Nagbago ang pananaw ni Sandy. Nagkalakas-loob lumaban. Nag-graduate at nag-masters pa. Nag-trabaho. Ikinasal sa kababatang si Ces.
Nakukuwento ni Art sa ka-duet na Paul Simon si Sandy. Bagama’t si Paul ang tumitik ng awiting “Sound of Silence,” halaw kay Art ang bansag sa linyang “Hello, Darkness, my old friend.” Nabatid ni Art ang sariling kakayahang magmalasakit para sa nangangailangang katoto.
Nag-recording sa bahay ng unang album sina Simon & Garfunkel. Pero nabanggit ni Art kay Sandy na hindi nila ito maisa-plaka dahil kapos ng $400. May kapiranggot na ipon si Sandy sa banko: $404. “Sagot ko na ‘yon,” malugod na inambag ni Sandy para makabawi sa maraming taon na pag-alaga sa kanya ni Art.
Pumalpak ang album pero sumirit sa charts ang single ng isang kanta ru’n, “Sound of Silence.” Mula nu’n maraming naging hits sina Simon & Garfunkel: “Mrs. Robinson”, “The Boxer,” at “Bridge Over Troubled Waters.” Malalim para kina Sandy at Art ang ibig sabihin ng “Hello, Darkness, my old friend.”
Tumanyag din si Sandy bilang imbentor, negosyante, presidential adviser, at pilantropo. Tumutulong ang tatlong anak sa mga bulag.
Hanggang ngayon matalik na magkaibigan sina Art at Sandy.