KAHAPON nagsimula ang distance learning para sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. Malaki ang pagkakaiba kaysa sa nakagawiang “face-to-face” classes. Nasa bahay lang ang mga estudyante at nakatutok sa kanilang gadgets --- laptop, tablet, TV at radyo. Wala na ang nakagawiang paghahatid ng ama o ina sa anak sa school. Wala nang school bus at iba pa. Ito ang binago ng pandemya.
Ganunman, mas lalong naging malaking hamon ang bagong pamamaraan hindi lamang sa mga guro kundi pati sa mga magulang. Kung dati, mga guro lamang ang gumagabay sa mga bata habang nasa school, ngayon mas kailangan na ang patnubay ng mga bata. Mas lumawak ang responsibilidad ng mga guro at magulang.
Naging handa naman ang Department of Education (DepEd) sapagkat mahigit 6,000 educational TV at radio shows ang kanilang inihanda para sa mga estudyante sa buong bansa. Ang mga mag-aaral na hindi makaka-access sa internet dahil nasa malalayong lugar ay dadalhan nila ng mga self-learning modules. Hahanapin umano ng mga guro ang tirahan ng mga mag-aaral para hatiran ng modules.
Ayon kay Undersecretary Tonisito Umali, hindi raw dapat mangamba ang mga estudyante na nasa malayong lugar dahil regular silang hahatiran ng printed modules. Nakikiusap naman ang DepEd sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak sa pag-aaral. Ayon pa kay Umali, may 3,120 television lessons at 3,445 radio episodes ang eere sa 207 television channels at 162 istasyon ng radio sa buong bansa kaya makakasunod ang nasa 24.7 milyong estudyante na nakaenrol ngayong pasukan.
Bagong pamamaraan nang pagtuturo kaya nararapat lamang na magabayan nang maayos ang mga bata. Kapag hindi sila nagabayan, sayang ang pagtuturo. Mawawalan ng saysay ang lahat.
Malaking hamon ang distance learning hindi lamang sa mga guro kundi sa mga magulang. Dapat mayroon din silang komunikasyon sa isa’t isa para maging malinaw sa mga bata ang pinag-aaralan. Dapat magkatulong sila para magtagumpay ang mga bata.