HINDI pa rin tumitigil ang Chinese na may-ari ng beauty product na may kontrobersiyal na label sa packaging. Ito ‘yung produkto na nagsasabing ang Maynila ay probinsiya ng China. Patuloy pa rin pala ito sa pag-operate kahit binalaan na. At hindi lamang sa Metro Manila niya binebenta ang kanyang produkto kundi maging sa Davao City. Patuloy pa rin ang kanyang pang-iinsulto kaya dapat nang maturuan ng leksiyon.
Matapos maipasara ang apat na tindahan sa Divisoria na nagbebenta ng beauty product, sa Davao City naman dinala ang produkto at doon walang takot na binibenta ang Ashley Shine Keratin Treatment Deep Repair. Ang pagbebenta ng nasabing produkto sa Davao ay nadiskubre ng isang advocacy group at agad namang ipinarating kay Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) party-list Rep. Jericho Nograles.
Ayon kay Pinoy Aksiyon for Governance and the Environment chairperson BenCyrus Ellorin, naispatan sa mga tindahan sa Davao City ang hair care product. Nanawagan si Ellorin kay Nograles na imbestigahan ang pagkalat ng produkto na may label na nakakainsulto. Si Nograles ang unang umalma sa label at nagbanta na ipaba-blacklist ang distribution ng produkto.
Nadiskubre ang nakaiinsultong label noong nakaraang buwan. Nakalagay sa packaging ng produkto ang address na “1st Flr. 707 Ito Cristo St. San Nicolas, Manila Province, P.R. China”. Ang produkto ay dini-distribute ng Elegant Fumes Beauty Products Inc. na ang tanggapan ay nasa Binondo at pag-aari ng isang Chinese national.
Agad na ipinasara ni Manila Mayor Isko Moreno ang apat na tindahan na nagbebenta ng produkto. Hinikayat ng mayor ang mga taga-Maynila na ipagbigay-alam sa kanya kung mayroon pang mga produkto na nagsasabing ang Maynila ay probinsiya ng China.
Tiyak na hindi lamang sa Maynila at Davao nakarating ang produkto. Maaaring marami na nito sa iba pang bayan at lungsod. Kumalat na ang nakaiinsultong ang Maynila ay probinsiya ng China. Nararapat nang kumilos ang Department of Trade and Industry (DTI). Ang DTI ang may kapangyarihan para mapigil ang distribution at nang mawakasan na ang pang-iinsulto. Sampolan ang mga Chinese na nasa likod ng produkto. Kung maari ideport sila.