Nagsalita na si Presidente Duterte. Mas makabubuti raw na bumaba na sa tungkulin si PhilHealth Chief Ricardo Morales dahil sa masamang kondisyong pangkalusugan. Katumbas na iyan ng pagsasabing “You’re fired, Morales.”
Graceful exit pa rin ang ibinigay. Mabait talaga ang Pangulo sa mga bata niya. Nauna nang nagfile ng sick leave si Morales kasunod ng Php15-bilyones na anomalya sa PhilHealth.
Sa pinakahuling pagdinig ng Senado sa binubusising kasong katiwalian, lumantad ang isang whistleblower na dating opisyal ng PhilHealth na nagsabing si Health Secretary Francisco Duque ang ulo ng “Mafia” na nagpakasasa sa pondo ng ahensya sa pamamagitan ng mga maanomalyang transaksyon.
Ibig sabihin, si Duque ang itinuturong pinaka-“balyena” sa pangkat ng mga isdang nagwaldas sa pondong dapat sana’y para sa pangangalaga ng kalusugan ng mga mamamayang Pilipino. Ngunit hindi pa rin siya tinitinag ng Pangulo at dahil dito, marami ang nagtatanong kung ano ba ang sikreto ng staying power ni Duque. Bakit ganun na lang ang lakas niya sa Pangulo.
Impress noong una ang maraming tao nang sabihin ng Pangulo na pangunahin sa kanyang agenda ay ang pagpuksa sa korapsyon. Na kahit “singaw” pa lang ang maamoy niya ay agad na niyang sisibakin kahit sino sa kanyang mga opisyal.
Ang nagaganap ngayon ay hindi lang singaw kundi masangsang na baho pero ayaw pa ring aksyunan ng Pangulo ang pangunahing personalidad na inginunguso, bagkus, pulos “dilis” lang ang pinapanagot at hindi ang mga butanding.