MARAMI nang nangyaring aksidente sa kalsada na ang sangkot ay mga traysikel, pedicab, kuliglig o ang tinatawag na habal-habal. Karaniwang nababangga sila nang mabibilis na sasakyan o kaya’y sila mismo ang bumabangga dahil sa pagmamadali. At madugo ang aksidente sapagkat namamatay ang pasahero dahil tumitilapon. Marami nang nangyaring ganito sa buong bansa.
Sa Metro Manila karaniwan na lamang na makikita ang pagyaot ng mga traysikel o pedicab at iba pang tatlong gulong na sasakyan sa mga pangunahing lansangan. At walang sumasaway sa kanila. Hinahayaan kahit bawal ang mga ganitong sasakyan.
Sa kahabaan ng Roxas Boulevard, karaniwang makikita lalo sa gabi ang mga pumapasadang traysikel at habal-habal. Karamihan sa mga ito ay may kargang panindang gulay na nagmula sa Divisoria. Mayroong ang karga ay kinatay na baboy at idedeliber sa kung saang palengke.
Sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue mula Maynila hanggang Balintawak, Quezon City, mas marami ang pumapasadang traysikel na may kargang gulay at karne. Ang iba may kargang semento at bakal.
Ganito rin ang senaryo sa kahabaan ng Quirino Highway sa Quezon City. Nagkakarera pa ang mga traysikel lalo na sa gabi. Lubhang delikado sa nasabing highway sapagkat maraming ten-wheeler truck at bus na dumadaan doon.
Matagal nang may kautusan na nagbabawal sa pagpapasada ng mga traysikel, at iba pang tatlo ang gulong sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila at sa iba pang lugar sa bansa. Kabilang ito sa mga ordinansa ng bayan at lungsod. Pero hindi naipatutupad ang ordinansa. Sa umpisa lang naghihigpit. Ningas-kugon lang.
Sinabi kamakailan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na oobligahin nila ang LGUs na ipatupad ang ordinansa na nagbabawal sa mga traysikel at kauri na pumasada sa major roads. Ito ayon sa DILG ay para maiwasan ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga nabanggit. Ayon pa sa DILG, bagama’t ang hangarin ng mga traysikel drayber ay makapaghanapbuhay para sa pamilya, hindi naman dapat nila ilagay sa panganib ang sariling buhay at ang iba pa. Mas mahalaga anila ang kaligtasan ng bawat isa.
Sana, maipatupad ito ng DILG at hindi pawang banta lang. Kailangang mawala o walisin ang mga traysikel at mga kauri nito sa mga pangunahing kalsada. Mapanganib ang kanilang ginagawa.