Damay-Damay na! Isa ako sa sumusuporta kay Pres. Digong Duterte na huwag patuntungin sa Pilipinas sina US Senators Dick Durbin at Patrick Leahy, bilang kasagutan sa ginawa nilang huwag papuntahin sa US ang mga mambabatas na sangkot sa pagkakakulong ni Sen. Leila De Lima. At una na nilang sinampolan si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na hindi pinayagang mag-renew ng kanyang US visa.
Ako mismo bilang mamamayang Pilipino ay hindi sang-ayon na nakakulong si De Lima, pero para sa akin hindi dapat tayo pakialaman ng US tungkol dito dahil ito ay internal problems. Reresolbahin ito rito sa ating bansa at walang sinuman ang dapat makialam. Pakialaman ng dalawang US Senators ang sarili nilang problema at ‘di na sila dapat makisawsaw sa problema ng ibang bansa. Maraming nangyayaring krimen sa America, nakikialam ba tayo sa kanila? ‘Di naman ah!
Nakakita ng katapat si Durbin at Leahy sa katauhan ni Digong. Kung ano ang ginawa n’yo sa amin ibabalik namin ito sa inyo. ‘Yan ang tinatawag na tit-for-tat. Ang bansa n’yo at bansa namin ay may kanya kanyang internal problems kaya dapat walang pakialaman. Resolbahin n’yo ang sa inyo at reresolbahin namin ang sa amin.
Lalo na ngayong maaapektuhan ang imbitasyon ni US Pres. Donald Trump na bumisita si Digong sa Washington. Sa kabilang banda matagal nang sinasabi ni Digong na ayaw niyang pumunta sa US dahil siguro nagkakaedad na at sa kanyang kalusugan.
Sa kabilang banda napapanatili naman natin ang matapat na relasyon sa ibang nasyon. Sabi nga sa kawikaan “A friend to everyone and enemy to none”. That’s the way of diplomacy. Tayong mga Pilipino ay itinuturing na tapat at palakaibigang tao sa mundo.