IPINAKIKITA sa kasong ito na ang pagiging abogado sa Pilipinas ay hindi isang karapatan kundi isa lamang pribilehiyo na ibinibigay ng estado para sa may taglay at patuloy na nagtataglay ng mga kuwalipikasyon na kinakailangan ng batas sa nasabing pribilehiyo.
Kapag nasira ang karakter ng isang abogado, siya ang may responsibilidad para patunayan na nagkamali ang nag-aakusa sa kanya at dapat niyang harapin ang asunto at maghain ng sarili niyang ebidensiya para makuntento ang IBP (Integrated Bar of the Philippines) Board of Governors pati ang Supreme Court at patunayan na may karapatan pa rin siyang manatili sa listahan ng mga abogado (Roll of Attorneys). Inilalarawan ito sa kaso ngayon ni Attorney Abogado.
Si Attorney Abogado ay isang kilalang abogado sa bayan niya. Tinanggap niya bilang sekretarya si Myra. Bandang huli, inasawa at naging ka live-in ang babae. Makalipas ang limang taon ay dinala ni Attorney Abogado si Myra sa bundok ng bayan at iniwan sa isang grupo ng mga faith healer doon. Si Attorney Abogado pala ang lider ng mga faith healer.
Noong unang dalawang buwan ay araw-araw niyang dinadalaw si Myra pero dumalang ng dumalang ang dalaw kaya napilitan si Myra na bumalik sa sarili nitong bayan.
Noong malaman ito ni Attorney Abogado ay sapilitan siyang ibinalik sa bundok at pinahirapan siya ng kulto para sumunod sa gusto ng kanilang lider, walang awa siyang pinahirapan, tinusukan ng droga sa katawan at pinaniwala sa kanilang gusto.
Nang pilitin niyang tumakas ay itinali siyang padapa sa kama, pinagsuot lang ng t-shirt at diaper pati pinakain ng panis na pagkain. Dalawampu’t apat na oras siyang binabantayan para hindi makatakas. Kasama sa kanyang mga bantay ang isang babaing nagngangalang Cita.
Nang makarating sa nanay ni Myra na mahina, maputla at naglalakad na siya ng nakaapak sa mga kalsada sa bundok ay nagpatulong na ang matanda sa Social Welfare Department ng probinsiya na agad nagpadala ng dalawang babaeng volunteer para sumaklolo sa kanya. Ayaw siyang pakawalan ng kulto maliban at ipag-utos ni Attorney Abogado.
Kaya sumugod ang mga pulis na sina PO2 Lao at PO1 Robles para sagipin siya at ibalik sa ina. Nagsampa ng reklamo sa IBP-CBD (Integrated Bar of the Philippines, Commission on Bar Discipline) si Myra para matanggalan ng lisensiya sa pagiging abogado.
Nagsampa rin ng mga kasong criminal para sa illegal na pagkulong sa kanya at sa bigamy dahil nalaman niya na ikinasal ng ikalawang beses si Attorney Abogado kay Lina sa kabila ng katotohanang kasal na siya sa unang asawang si Karla.
Sa kasong disbarment, hindi sumagot o sumipot man lang sa pagdinig si Attorney Abogado. Kaya napatunayan ng CBD na talagang nilabag ni Attorney Abogado ang umiiral na patakaran sa mga abogado na ipatupad ang Saligang Batas at sumunod sa lahat ng batas sa Pilipinas (Canon 1-Code of Professional Responsibility),
Ganundin sa Canon 7 tungkol sa pagiging immoral at paggawa ng asal na labag sa matinong panuntunan ng lipunan. Kaya ang rekomendasyon ng CBD ay tanggalin sa pagiging abogado si Attorney Abogado.
(Itutuloy)