Sa darating na Enero 9, ipagdiriwang na naman natin ang pinakaunikong selebrasyon ng Pista ng Poong Hesus Nazareno sa Quiapo. Masasaksihan muli ang hindi maayos at napakatagal na pag-usad ng prusisyon na tumatagal nang mahigit na 24 na oras.
Ayon sa obserbasyon nang marami, ang dahilan ng gulo sa prusisyon ay ang mga debotong lalaki na nasa itaas ng karo na nakapaligid sa Nazareno. Dahil sa karapatan ng mga debotong ito na makatayo sa karo at makatabi ang Nazareno, maraming deboto rin ang nakikiakyat sa karo upang makahaplos sa Poon. Dahil dito, marami ang nasasaktan at nasusugatan.
Sapagkat nakikita na ang nasa itaas ng karo ay sumasalo sa mga tuwalyang inihahagis sa kanila at inihahagis pabalik kapag naipahid na sa Poon, maraming manonood sa tabi ng daan na naglalapitan sa paligid ng andas upang makihagis din ng tuwalya sa mga tao sa itaas. Ito ang pinagmumulan ng kaguluhan at siksikan sa dinaraanan ng prusisyon kaya’t hindi makausad nang malayo ang karo ng Nazareno.
Ano kaya, subukan ng mga namamahala ng prusisyon na huwag nang magpasakay sa karo? Tiyak wala nang deboto na magsisiksikan upang makitayo roon sa itaas o makapaghagis ng tuwalya paitaas. Magiging solo na lamang ang santo sa ibabaw ng karo kaya’t magiging mataimtim na ang pagdarasal ng mga taong nasa bahay at mga nakahanay sa kalye. Magiging tuluy-tuloy na ang daloy ng prusisyon at tiyak mga ilang oras na lamang at makababalik na sa simbahan ang mga nakipagprusisyon.
Magandang-maganda ang bago nilang programa na dalhin ang imahe ni Hesus Nazareno sa Quirino Grandstand at magtakda ng araw at oras ng pahalik. Ito ang mabuting pagkakataon na ang mga deboto ay makalapit sa Nazareno at makahaplos o makapahid ng tuwalya o panyo. Ito ang alternatibong paraan para wala nang magsiksikan at magkakagulo sa prusisyon. Maayos na maayos ang pahalik dito sapagkat lahat ay pumipila bago makalapit sa urna na kinalalagyan ng Poong Nazareno. Makapagdarasal pa nang taimtim ang mga pumipila dahil tahimik ang kapaligiran. – ISIDRO S. CAILLES, 168 Camilo Lirio St., Nagcarlan, Laguna, 4002