Ito po ang pangalawa kong sulat sa Pilipino Star NGAYON. Pag-uulit lamang ito sa isinulat ko noong Disyembre 13, 2019. Napansin ko kasi na nagbabago na naman ang isip ni President Duterte at gusto na namang makipag-usap sa founder ng Communist Party of the Philippines (CPP). Sabi niya noong nakaraang taon, hindi na makikipag-peace talk sa CPP-NPA. Pinagmumura pa nga niya si Jose Maria Sison at nagpalitan pa sila nang maaanghang na salita. Nang ambusin ang mga sundalo noong nakaraang taon ng mga miyembro ng NPA, lalo nang nagdeklara nang pakikipaggiyera si Duterte sa mga ito. Pinaghanda pa nga niya ang mga sundalo. Linisin ang mga baril para sa pakikipaglaban sa mga komunista. Sabi pa niya, wala nang magaganap na usapang pangkapayapaan sa mga komunista. Tapos na talaga at pinauuwi pa nga niya si Sison. Maraming beses na sinabi ni Duterte na hindi na makikipag-usap sa mga makakaliwang grupo.
Pero ngayon, sabi niya bubuksan muli ang usapang pangkapayapaan. Inutusan niya si Labor Secretary Silvestre Bello na magtungo sa Netherlands para makipag-usap kay Joma.
Nagsasayang lamang ng oras at pera sa pakikipag-usap kay Sison. Palagay ko, walang mangyayari sa usapang ito. Katulad din ng dati, walang mapagkakasunduan. Pareho kasi may duda sa isa’t isa. Kaya malakas ang aking paniwala na walang katutunguhan ang balak na usapang pangkapayapaan kuno. Ituon na lang sa iba pang mahalagang bagay kaysa makipag-usap kay Sison.
Kung ako ang tatanungin, dapat sa mga NPA na lang makipag-usap si Duterte. Tutal naman at ang grupong ito ang talagang nakakaharap ng mga sundalo at hindi si Sison na nagpapasarap sa Netherlands. Kung sa NPA makikipag-peace talk, malaki ang pag-asang may mararating.
Sa pagkaalam ko, marami nang NPA ang nagbalik-loob mula nang si Duterte ang naging Presidente. Ibig sabihin, may tiwala sila sa liderato ni Duterte. Ilang buwan na ang nakararaan, ang mga sumukong NPA ay pinagbakasyon pa ni Duterte sa Hong Kong bilang pangako.
Huwag nang i-pursue ang pakikipag-usap kay Joma. Sayang lang! Mr. President, huwag nang ituloy ang peace talk.
---JOSE MANGGUBAT, Valenzuela City