ISA sa pinagmumulan ng sunog sa panahon ng Kapaskuhan ay ang mga depektibong pailaw particular ang Christmas lights. Dagsa sa pamilihan ngayon ang mga “patakbuhing” Christmas lights na hindi dumaan sa quality control. Maninipis ang wire at bumbilya ng mga ito kaya madaling mag-init at mag-apoy. Kapag nadikit sa kurtina, simula na ng sunog.
Noong nakaraang linggo, tatlong sunog ang naganap sa Metro Manila na sinasabing nagsimula sa Christmas lights. Nasunog ang may 20 kabahayan sa Varona St. corner J. P. Rizal St. sa Bgy. Tejeros, Makati City. Nang araw ding iyon, isang sunog ang naganap sa Valenzuela City at noong Biyernes ng gabi, nagkaroon ng sunog sa Bgy. Addition Hills sa Mandaluyong City.
Tuwing Christmas season, lagi nang bumabaha ang mga depektibong Christmas lights. At tila walang magawang paraan ang Department of Trade and Industry (DTI) para masawata ang mga negosyanteng nagpapasok nito sa bansa. Karaniwang galing sa China at Taiwan ang mga depektibong Christmas lights. Marami nito sa mga tindahan sa Divisoria, Carriedo, Cubao, Baclaran at iba pang pamilihan sa Metro Manila. Murang-mura lang ang Christmas lights. Ang 100 lights ay P50 lang kumpara sa mga makabagong Christmas lights ngayon na LED type na ang 100 lights ay nagkakahalaga ng P500.
Nararapat mag-isip muna nang maraming beses ang sinumang bibili ng mga murang Christmas lights sapagkat baka ang mga ito ang maging mitsa ng inyong buhay. Tanungin ang sarili kung hindi ba kapahamakan ang idudulot nang pagbili ng mga ito.
Hindi makakalimutan ang nangyaring trahedya sa anak na babae ni dating House Speaker Jose de Venecia na namatay makaraang masunog ang mansion sa Makati noong Disyembre 2004. Ang dahilan ng sunog ay ang nag-overheat na Christmas lights na nasa staircase ng mansion.
Nagbabala na ang mga awtoridad na huwag bumili ng mga Christmas lights na nasa bangketa na ibinebenta sa murang halaga. Payo ng Department of Trade and Industry (DTI), bumili lamang ng mga Christmas lights na may ICC markings.
Huwag tangkilikin ang Christmas lights na magdudulot ng panganib sa buhay. Huwag isapalaran ang buhay at ari-arian. Huwag palungkutin ang Pasko.