Walang karapatang magnegosyo ang isang recruitment agency dito sa Pinas kung hindi kayang pangalagaan at ipagtanggol ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Etong ilang ijo de kutsinta na mga local recruitment agency (LRA), ang kakapal ng mukha. Ang kanilang gawain, panigan at ipagtanggol pa yung mga dayuhang amo imbes na saklolohan ang mga inaabuso na nating kababayan.
Nitong Nobyembre 23, sa tulong na rin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), isang OFW sa Bahrain ang aming nasaklolohan.
Dumating sa BITAG ang kanyang mister dala ang video message ng kawawang OFW at kontratang pinirmahan sa L.C. Manpower Expertise Corp. Sa Saudi Arabia ang kanyang destino. Subalit pagdating sa Saudi, dinala siya ng Arabong amo sa Bahrain para pag-alagain ng magulang nito. Nang pumanaw ang ina ng Arabong amo, nagsimula na siyang maltratuhin.
Sa detalye ng kanyang sumbong kasama ang mga litratong ipinadala sa BITAG, kinukulong at hindi siya pinakakain nang maayos. Palagiang suntok, kalmot, at paso ng sigarilyo na rin ang kanyang sinasapit sa amo. Ang magaling na agency, walang kuwentang kausap, bastos magtrabaho. Nakarating na sa kanila ang problemang minamaltrato ang kanilang kababayan pero mas pinaniwalaan ang among Arabo.
Ang sumbong daw kasi ng Arabo ay nagdala raw ng lalaki sa hotel ang pobreng OFW kaya ipinakulong ito. Pero sa imbestigasyon ng BITAG, lumabas sa report ng Bahrain police na run-away o absconding ang naging kaso ng Pinay.
Isang gabi, nakalimutan ng Arabong amo na i-padlock ang bahay bago matulog, kaya nakatakas ang Pinay. Sa sobrang pagmamadali, hindi ito nakapagsuot ng underwears, nakuhanan pa raw ng CCTV ang paghahabulan nila ng amo ng makasakay siya ng taxi.
Mabuti na lamang at agad nakasaklolo ang POLO-OWWA sa Bahrain kaya pansamantalang nanatili ang Pinay sa Bahay Kalinga.
At etong mga hinayupak na empleyado ng L.C. Manpower Expertise Corp., hindi pa bibili ng ticket pauwi ng biktimang OFW kung hindi pa sila nagulantang sa surprise visit ng BITAG kasama ang Manila Police District.
Hindi pa sapat ang hambalos ko sa inyo sa ere. Sa ipinakita n’yong kabastusan at kasinungalingan noong kuhanan kayo ng panig ng BITAG, hindi ubrang mabigyan kayo ng due process!
Panahon na para kalkalin ng kinauukulan ang record ng mga ahensiyang ito na gusto ay kumita lamang ng pera. Gusto ng lisensiya’t karapatan, ayaw ng responsibilidad, kesehodang nanganganib na ang buhay ng kanilang kababayan.
O ‘yung mga LRA na ganito rin ang estilo, hindi ko alam kung paano kayo nakakatulog sa gabi o nakakakain ng maayos. Alam niyo ng may kababayan kayong inaabuso pero sandamakmak kayong mga arogante’t pulpol.
Hindi kami magsasawa sa BITAG na isa-isahin kayo saan mang lupalop dito sa Pilipinas. Ilalantad namin ang kabastusa’t masamang estilo niyo bilang mga manpower o recruitment agencies.