Maraming inuuna pa ang pagbili ng cell phone kaysa magpagawa ng kubeta. Kaya naman hindi kataka-taka kung bakit nagsulputan ang iba’t ibang sakit ngayon, gaya ng polio, cholera, diarrhea, typhoid fever at hepatitis A. Ang mga sakit na ito ay nakukuha dahil sa karumihan ng paligid dahil sa kawalan ng kubeta. Marami ang dumudumi sa kung saan-saan na lang.
Sabi ng Department of Health (DOH), sa kabuuang 42,045 barangays sa buong bansa, 4,625 lamang ang mayroong sariling kubeta. May dumudumi sa ilog, sapa at mga lugar na nakalantad sa kabahayan. May mga dumudumi sa mismong lugar kung saan nakatayo ang kanilang barung-barong.
Sa report ng Philippine National Demographic and Health Survey noong 2017, napag-alaman na 4.5 percent ng mga Pilipino ay walang sariling kubeta at wala nang balak gumawa nito. Ang nakasanayan na pagdumi sa kung saan-saan ay nagpapatuloy. Mayroon din namang may kubeta pero hindi improved kaya para na ring dumumi sa open na lugar.
Ayon pa sa DOH, sa halagang P1,200 ay maaari nang makapagpagawa ng kubeta ang mga Pinoy pero hindi nila ito prayoridad. Mas inuuna pa nila ang pagkakaron ng cell phone at iba pang gadgets.
Nararapat unahin ang pagkakaroon ng kubeta sapagkat mahalaga ito sa araw-araw na pamumuhay. Ang pagdumi sa kung saan-saan ay nagdudulot ng iba’t ibang uri ng sakit. Nayayapakan ang mga duming ito at naisasalin ang mikrobyo. Kapag naglaro ang mga bata sa isang lugar na nagkalat ang dumi, hawa-hawa na. Isusubo ng mga bata ang daliri at dito na nag-uumpisa ang sakit. Mayroon ding naisasalin ang sakit dahil sa pag-inom ng kontaminadong tubig.
Ang pagkalat ng polio ay itinuturo sa maruming kapaligiran. Noong nakaraang Setyembre, sinuri ang tubig sa mga estero sa Metro Manila nagpositibo sa polio virus. Ilang kaso ng polio sa bansa ang lumutang. Nagsagawa ng pagbabakuna sa mga bata sa buong bansa para masawata ang pagkalat ng polio.
Ang pagkakaroon ng sariling kubeta sa bawat bahay ang nararapat. Kung nakakayang bumili ng cell phone at iba pang gadgets, sana paglaanan din ang pagkakaroon ng kubeta. Dapat obligahin ng gobyerno na magkaroon ng kubeta sa bawat bahay.