EDITORYAL - 2 taon na probationary period, ‘di-makatarungan

HINDI pa nakakawala sa gapos ng “endo” ang mga manggagawa, meron na naman silang kakaharaping pahirap kapag naaprubahan ang isang panukalang batas. Isinusulong ni Ako Probinsiyano party-list Rep. Jose Singson Jr. na gawing 2 taon ang probationary period ng mga manggagawa sa halip na 6 na buwan lang. Ayon kay Singson, ang anim na buwan na probatio-nary period ay hindi sapat para ma-regular ang empleyado. Masyadong kulang aniya ang anim na buwan para makita na kuwalipikado o may kakayahan ang manggagawa. Kailangan ang 2 taon para lubusang ma-regularized ang empleyado at sinasang-ayunan umano siya ng mga employer ukol sa panukalang ito.

Hindi makatarungan ang panukalang ito ni Singson sapagkat lalo lamang niyang ibabaon sa hirap ang manggagawa. Dalawang taon na magtatrabaho ang manggagawa na walang proteksiyon sapagkat nasa probationary period siya. Paano kung pagkalipas ng 2 taon ay hindi pa rin siya ma-regular? Paano ang dalawang taon niya sa pinagtarabahuhan?

Maski si Labor Secretary Silvestre Bello III ay hindi sang-ayon sa panukalang batas. Sabi ni Bello, mahaba na nga ang 6 na buwan na probationary period at ngayon ay gagawin pang 2 taon. Hindi ito makatao, ayon sa Labor secretary. Kawawa naman ang manggagawa. Hindi ito dapat mangyari.

Maraming grupo ng manggagawa ang bumatikos at lantarang nagpahayag ng pagtutol sa panukala ni Singson. Sabi ng Trade Union Cong­ress of the Philippines (TUCP), lubusan nilang ni-reject ang proposal ni Singson. Ito ay panibago na namang sistema ng pang-aalipin sa mga manggagawa. Hindi dapat mangyari ang ganito na lalong pinahihirap ang kalagayan ng mga manggagawa.

Tutulan ang panukalang ito. Hindi ito makabubuti sa manggagawa na lalo lamang malulubog sa kumunoy ng kahirapan. Sa halip na pagaanin ang buhay lalo lamang pahihirapin. Sa halip na mag-isip kung paano mapagiginhawa ang kalagayan ng mga manggagawa lalo pang pinabibigat.

Show comments