PASAWAY. Nagkalat lang sila riyan. Mapa-grupo, korporasyon, indibidwal, hindi sila nawawala. Kadalasan, sila pa ‘yung mas matindi magreklamo na parang mga kinawawa’t inapi. Kahit sa kompanya ko, sa BITAG Media, may matitigas ang ulo’t pasaway din. ‘Yung empleyado na kahit ano pang tulong at disiplina ang ihain mo, ayaw talagang tumanggap ng pagkakamali’t matututo.
Ganitung-ganito ang ugali ng isang reliever lady guard na lumapit sa BITAG nitong Martes lang. Galit na galit na inirereklamo ang kanyang agency dahil hindi raw sapat ang schedule na ibinibigay sa kanya.
Ang sumbong, sa isang kinsenas ay 2 beses lang siyang pinagdu-duty ng kanyang agency. Malayo sa 7 beses niyang pagdu-duty noon bago pa man mag-hire ng panibagong lady guard ang kanyang employer. Duda niya, mas pinapaboran ang bagong lady guard dahil mas matangkad ito sa kanya. Dagdag pa niya, sa mga malayong branches pa siya dinedestino ng kanyang employer at hindi man lang binibigyan ng pamasahe.
Kinunsulta namin si Ms. Belen Nicasio, Head ng Single Entry Approach (SEnA) Unit ng National Labor Relations Commission (NLRC) ukol sa hindi pagbibigay ng schedule ng trabaho ng employer ng lady guard sa kanya. Ayon kay Ms. Nicasio, tungkulin ng agency na mahanapan ng paglalagyang trabaho ang kanilang empleyado. Kaya naman upang marinig ang panig ng kanyang agency ay kinapanayam namin ang kanilang Operations Manager on air sa Pambansang Sumbungan, Aksyon ora mismo.
Ayon sa kanya, sa 7 branch ng isang sikat na fast food chain kung saan nakadestino ang lady guard ay madalas silang makatanggap ng reklamo laban dito, dahilan ng pagkuha nila ng panibagong empleyado. Hindi rin siya nakakatanggap ng regular na trabaho dahil una pa man ay sinabi na nito na ayaw niya ng tuluy-tuloy na working schedule. Wala rin daw itong initiative na magreport sa kanilang opisina.
Willing naman daw ang kanilang agency na ilipat siya ng pegde-destinuhan. Pero noong tanungin ko ang lady guard kung okay lang ba ito sa kanya, “hindi” ang pabalang na sagot nito. Magre-resign na lang daw siya dahil sinungaling ang manager nila. Nakita ko mismo kung paano niya kausapin ang boss niya na nagpakumbaba na.
Ka-bastos, lumabas ang attitude problem! Hindi na ako nagtaka kung marami ngang reklamo laban sa kanya. Hindi pa nakuntento, nag-request pa siya. Bigyan na lang daw siya ng danyos at aalis nalang siya sa trabaho. Holy cow! Siya na ang umayaw, siya pa ang may ganang mag-demand!
Mga boss, dahil patas ang aming serbisyo publiko, kinagalitan ko sa ere. Katulad ng lagi kong sinasabi, hindi basta-basta naniniwala at kumakampi ang BITAG. Marami pa akong sinabi sa kanya, pero ang aral na gusto kong isaksak sa kukote niya ay matutong gumalang sa mga nakatataas at otoridad. Panoorin n’yo na lang mga boss ng buo sa Facebook page ng Pambansang Sumbungan!