Relos, tagabantay ng kalusugan mo

ANG sinaunang telepono ay pantawag lang sa isang tao na nais kausapin. Nasa mesa lang ito, malaki, may receiver at handset, at naka-alambre sa pader at poste. Dahil sa teknolohiya naging mobile o de-bitbit na ang telepono, maaring dalhin kahit saan. Nagkaroon pa ng ibang gamit para mapasimple ang buhay: orasan, alarm, phonebook, appointment book, radyo, telebisyon, camera, video, tape recorder at email at text message. Dahil sa apps, maaari rin itong games, panukat, calculator, currency converter, reminder, group chat, conference call at pocket computer.

Kaya nga naman ang hirap maiwan o maiwala ang mobile phone. Para ka na ring nahubaran sa publiko.

Ngayon ang relos ay nagiging telepono na rin -- na taglay ang maraming features gamit at apps.

Nagkaroon ng bago pang gamit ang wristwatch: pangkalusugan. Sinimulan ng Apple sa relos nito na maglakip ng electrocardiograph. Dahil dito, masusukat ng maysuot ang lagay ng kanyang tibok, paghinga, at kalagayan ng puso at baga. Maari itong gawing automatic na pinadadala ang resulta sa kanyang cardiologist at pulmonologist.

Nauna rito, ang Fitbit at iba pang “wearables” ay ginawa para bilangin ang dalas ng pulso at dami ng hakbang sa loob ng isang minuto, oras, o araw. Pati haba ng nilakad o tinakbo ay nare-record.

Sa America sumunod na ang health insurers sa bagong modo. Namimigay sila ng Fitbit, o kaya’y hinihikayat ang mga kliyente na magsuot ng Apple wristwatch na may ECG.

Dahil sa phone at wristwatch camera, nareretratuhan ang sugat, mata, ngipin at dila para ipadala sa doktor na magda-diagnose. Hindi maglalaon, pati ibang specialized laboratory services ay magagawa na rin sa mga bitbit nating gadgets: blood pressure, eye pressure, sugar level, linaw ng pagbasa at pandinig, pang-amoy, panlasa -- pati x-rays.

Show comments