Impeksiyon sa ihi, kidney at prostate

ANG urinary tract infection (UTI) ay impeksiyon sa kidneys, ureters, bladder (pantog) at urethra. Ang gamutan­ sa UTI ay antibiotics. Ipinapayo kong baguhin ang inyong lifestyle o kinagawian sa buhay.

Gumamit ng mild soap o hindi matapang na sabon na panlinis ng puwerta. Sa mga babae, ang tamang pagpunas sa pag-ihi ay simula sa harap muna papuntang puwitan. Mali kung simula sa puwitan papuntang harapan.

Uminom nang maraming fluids para ma-flush out ang mga bacteria.

Magsuot ng mas maluwag na pantalon at cotton na underwear para mas mahangin.

Habang naka-antibiotics, mainam kumain ng yogurt.

Ang pyelonephritis naman ay impeksiyon sa kidney mula sa bacteria. Ang pasyente ay nilalagnat, masakit ang balakang, madalas umihi, o merong dugo sa ihi.

Pag may bato sa bato (kidney stones), magbawas sa matinding ehersisyo tulad ng mahabang pagtakbo.

Sa urine test o urinalysis, sinasahod ang midstream o gitnang labas ng ihi na may daming 10 ml at ibibigay sa laboratoryo. 

Problema sa pag-ihi:

Kapag nahihirapang umihi, maaaring may kaba o depende sa lokasyon kung saan umiihi.

Sa lalaki, puwedeng lumaki ang prostate gland at na­iipit ang tubo sa pag-ihi, o may kanser sa prostate o pros­tatitis. Puwede rin na may problema sa urethra dahil may impeksiyon, sugat o dumaan na bato.

Kapag madalas umiihi (polyuria), maaaring dahil uminom ng kape, tsaa, alak, buntis, natatakot, o may impeksiyon sa pantog.

Ang may diabetes ay madalas maihi, may rashes at yeast infection, at minsan ay may bladder prolapse o buwa (pelvic organ prolapse). Kung umiinom ng gamot na pampaihi, madalas ding mapapaihi.

May pagkakataon ng konti ang ihi (oliguria) pag may glomerulonephritis, kidney failure o dehydration kung nagtatae.

Dagdag kaalaman:

Ang glomerulonephritis ay pagkasira ng pansala (Glomeruli) ng kidneys. Maaring bigla o acute glomerulonephritis, o matagal o chronic glomerulonephritis.

Ang prostatitis ay impeksiyon sa prostate.

Show comments