BUCOR gawing BUCOL

KAY pangit ng imahe sa taumbayan ng Bureau of Correction (BUCOR). Noong araw, lumutang ang balita na sa loob mismo ng piitan ginagawa ang shabu, at kahit­ ma­kulong ang mga kilalang drug lords, tuluy-tuloy pa rin ang kanilang buktot na negosyo. Sa madaling salita, naging­ malaking business enterprise center ng mga sindikato ang Pambansang Piitan.

Kahit sino pa ang iniluklok para pamunuan ang BUCOR, nakakaladkad ang pangalan sa mga ilegal na aktibidad­. Kaya may mga panukalang balasahin ang ahensyang ito na sa halip maging lugar para parusahan ang mga nag­ka­kasala ay nagiging lugar pa ng operasyon ng mga kriminal­ na aktibidad. Grabe! Kung ang BUCOR ay isang lugar na pinagkakakitaan ng limpak-limpak na kayamanan, pa­litan na ang pangalan nito ng Bureau of Collection o BUCOL.

Talaga namang katakut-takot na bukol ang tinamo ni BUCOR chief Nicanor Faeldon sa harap ng mga natuklasang kontrobersyang sangkot ang BUCOR na imbes magtuwid sa ugali ng mga bilanggo ay lalo pa yatang nag­papasama sa mga ikinulong na kriminal, pati na sa mga opis­yal na nakatalagang mangasiwa sa BUCOR.

Ang naudlot na pagpapalaya sa hinatulang rapist-killer na si Antonio Sanchez at ang nakalusot na pagpapalaya sa mga high profile drug lords dahil daw sa Good Conduct Time Allowance ay kaduda-duda porke walang pruweba na sila’y nagbago na dahil tuloy pa rin sa loob ng bilangguan ang mga lihim na transaksyon sa droga. 

Nahulihan pa nga si Sanchez ng kilo-kilong shabu sa kanyang selda. Komo si Nicanor Faeldon ang BUCOR director, natural siya ang mapuputukan, lalu pa’t mayroon na raw release order para sa paglaya ni Sanchez na pirmado niya.

Kaya hindi maalis ang pagdududa ng mamamayan. Sa “magkanong dahilan” at nangyari ang pagpapalaya sa mga walang kara­patan lumaya dahil sa laki at kabuktutan ng kanilang kasalanan sa lipunan, at ang ginamit pang dahilan ay ang bagong batas sa Good Conduct Time Allowance.

Balasa ba ang remedyo? Siguro, kung makakakita ng mga per­sonaheng bubuo sa ahensya na may malinis na budhi at takot­ sa Diyos. Sino ang mga ito? Ewan ko dahil mahirap kumilatis sa tao. Minsan may mga taong kabutihan ang ipinakikita pero kapag naroroon na ay nilalamon na ng masamang sistema.

Show comments