ISA sa mga batas na agarang ipinasa ng Kongreso ng 1988-1989 ay ang RA 6713 na tinaguriang “Anti Graft and Corrupt Practices Act”. Isa ito sa mga haliging batas na muling binuhay ng Lehislaturang nawala sa 15 years ng pasasailalim ng bansa sa Batas Militar.
Ang mga pangunahing may akda ng RA 6713 ay sina Senador Rene Saguisag at Senate President Jovito Salonga. Ang batas ay tinakda para itaguyod ang pinakamataas na antas ng integridad sa hanay ng ating mga lingkod bayan.
Kabilang sa mga gawaing pinagbabawal ng RA 6713 ay ang pagtanggap ng regalo sa okasyon ng pagganap ng kanilang opisyal na katungkulan. Dahil sa hayagang intensiyon ng batas, malinaw na hindi sinasang-ayunan ng ating mga kongresista at senador ang aktong pagbigay ng regalo sa ating mga kawani ng pamahalaan bilang paunlak sa serbisyo.
Maraming katwiran kung bakit ito pinagbabawal. Una’y hindi naman dapat sinusuklian ang paglingkod. Sapat na ang bahagyang sahod na tinatanggap. Kung kulang ito, walang dapat ikabahala. Sabi nga nila, ang pagkakataong makapagserbisyo ang siyang sarili nitong pabuya. Isang karangalan ang mabigyan tsansang maglingkod sa Inambayan.
Pangalawa, mahirap nang masanay sa ganitong uri ng pasalamat. Baka ito hanap-hanapin. Kapag hindi makuha, baka maapektuhan pa ang kalidad ng serbisyong matanggap.
Usap-usapan ngayon ang deklarasyon ng Presidente na sa kanyang pag-unawa ay kalokohan lang ang probisyong ito. Aniya’y kung gusto kang pasalamatan, tanggapin dapat ang regalo. Huwag lang ikaw ang manghingi. Sinegunduhan ito ng kapartidong Senador Bato de la Rosa. Subalit ang malaking bahagi ng administrasyon ay nanahimik o di kaya’y tumutol sa kanyang interpretasyon.
Ano man ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang tinutulang batas ay batas pa rin. Hangga’t hindi ito inaamyendahan, kasama ito sa mga kautusang sinumpaang rerespetuhin ng bawat isang kawani. Lahat na lamang ng opinyon ay dalhin sa Kongreso upang ibahagi sa paghulma ng bagong batas. Pansamantala, ang tamang intindi ay bawal ang tumanggap ng regalo.