Mga sasakyan problema sa EDSA

IBINIDA ni Transportation Committee Chair Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento kabilang ang kanyang panel na magsasagawa sila ng isang serye ng mga konsultasyon sa lahat ng mga transportation stakeholders upang gumawa ng isang solid at viable one-year roadmap para malutas ang problema ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.

Dapat lang!

Ang Philippines my Philippines base sa JICA ay nawawalan ng hindi bababa sa P3.5 billion every day dahil sa problema sa trapiko sa EDSA.

Sayang ang pera!

Ang nangyaring palpak na traffic sa EDSA kamakailan ay puedeng maulit oras na nagpabaya at puro plano ang MMDA sa kanilang operasyon.

Malaking dagok sa ekonomiya ang grabeng traffic na nararanasan sa kalsada. Sampal ito sa madlang people na nagpapakahirap magtrabaho at sa mga estudiante na pumapasok sa kanilang mga school.

Bakit?

Sagot - Kung hindi late, tiyak absent sila!

Para malutas ang problema sa traffic, kailangang magbawas ng mga sasakyan sa EDSA at karatig pook habang hindi pa tapos ang mga daanan na ginagawa ngayon ng government of the Republic of the Philippines my Philippines.

Sabi nga, dapat itong pag-aralan ng mabuti hindi lang ang mga palpak este mali bright pala sa MMDA kundi lahat ng ahensiya ng pamahalaan at mga transportation stakeholders upang magkaroon ng palitan ng kuro-kuro at ipatupad ang tamang decision making.

Ika nga, magtulungan sa problema!

Aminado ang MMDA, na isa sa problema ng heavy traffic sa EDSA ay ang mga colorum buses oras na nagsisibiyahe ang mga ito sa kalye.

Ano ang ginagawa nila, alam pala nila ito?

Sa totoo lang simple lang para maayos at lumuwag ang traffic sa EDSA at karatig pook!

Ano iyon?

Dapat pagsama-samahin ang lahat ng klase ng mga “brand” ng mga kotse sa Metro-Manila at pagkatapos isipin ng mga bright kung anong araw ang mga ito paghihiwalay-hiwalayin para ipagbawal tumakbo sa kalye ang ilan sa mga ito.

Halimbawa, Toyota brand lahat ng klase ng sasakyan nila ay ipagbawal ng Lunes sa buong Metro-Manila, dagdagan pa ito ng dalawa pang klase ng car brand para lumuwag ng husto ang mga kalsada. 

Tiyak luluwag ang Metro-Manila sa traffic at ang panaginip ni Boss Digong na 5 minutes mula Cubao up to Makati ay mangyayari.

Sabi nga, hindi panaginip lang?

Ang mga imported vehicles ay bigyan din ng araw na bawal sila sa kalye ng Metro-Manila at isama pa ang ilang brand ng mga sasakyan dito.

Ang mga pampublikong sasakyan sa Metro-Manila tulad ng bus at jeepney ay dapat sumunod sa number coding tulad ng nangyayari ngayon.

Bukod dito, bawal pa rin silang lumabas sa yellow lane!

Ano sa palagay ninyo?

Huwag na natin itong politikahin, mas maayos ito habang hindi pa gawa ang mga kalye sa ilalim ng “build, build, build” project ni Boss Digong!

Ano sa palagay ninyo?Abangan.

Show comments